Posas

Kelot tinarakan sa ulo ng pinsan, nakaligtas

June 20, 2024 Edd Reyes 275 views

SINAKSAK ng 22-anyos na babaeng casino dealer ang kanyang pinsan matapos ang mainitang pagtatalo noong Miyerkules sa Navotas City.

Isinugod ng kanyang mga kaanak ang biktimang si Jerome Cunanan, 26, para malapatan ng lunas ang saksak sa kaliwang ulo.

Sa ulat nina P/SSg. Levi Salazar at P/SSg. Allan Navata kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, naglalaro ng dart ang suspek na si alyas Nell dakong alas-10:20 ng gabi sa kanto ng Alley-3 at Santiago St., ng magtalo ang magpinsan na napadaan sa naturang lugar.

Sa gitna ng pagtatalo, bumunot ng balisong si Nell at tinarakan sa ulo ang pinsan pero nakatakbo pa habang inawat ng mga lalaki sa lugar ang suspek.

Ayon kay Sgt. Salazar, matagal ng may alitan ang magpinsan sa hindi pa batid na dahilan kahit na magkasamang naninirahan sa bahay.

Nakapagresponde sa lugar ang mga tauhan ng Police Sub-Station 3 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek at pagkakabawi sa ginamit na balisong.

Sinampahan na ng kasong frustrated murder ang suspek habang nasa maayos ng kalagayan sa ospital ang biktima.

AUTHOR PROFILE