Kelot tinangay pera ng simbahan huli

October 4, 2022 Melnie Ragasa-limena 87 views

ARESTADO ang isang 23-anyos na binata nang maaktuhan na tinatangay ang pera sa donation box nang isang simbahan sa Quezon City, Lunes ng gabi.

Ang suspek ay residente ng Valenzuela City.

Inireklamo ang suspek ng parish administrator ng simbahan na si Mary Novy Siasat Delos Reyes, 30, ng Batasan Hills, Quezon City.

Batay sa report ng Batasan Police Station 6 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 6:35 ng gabi (Okt. 3), nang maganap ang insidente sa St. Peter Parish Church, Bgy. Batasan Hills, sa lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon ni P/Cpl. Aerol Palado ng PS 6, nagsasagawa umano nang pag-iinspeksiyon sa simbahan ang isang guwardiya nang mamataan ang suspek na sumakay sa elevator at bumaba sa ground ffloor kung saan nandoon ang simbahan.

Pasimpleng sinundan ng guwardiya ang binata at nang makitang puwersahang dinistrungka nito ang kandado ng donation box at mabilis na nilimas ang pera saka ibinulsa ay agad na niyang inaresto saka inireport sa mga awtoidad.

Nasamsam mula sa suspek ang tatlong piraso ng screwdriver, metal saw, at ang pera na nagkakahalaga ng P625 na nilimas nito sa donation box.

Ayon sa pulisya ay naaresto na ang suspek ng anim na beses dahil sa kaparehong kaso.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Article 299 ng RPC Robbery (Robbery in an Inhabited House or Public Building or Edifice Devoted to Worship) laaban sa suspek.