Default Thumbnail

Kelot timbog sa 4 counts ng ‘rape’, child abuse

June 6, 2023 Jonjon Reyes 232 views

HINDI na nagawang makapagtago sa batas ang isang 29-anyos na tambay, dahil sa ginawa nitong kasalanan sa kasong four counts ng “rape” at paglabag sa Child Abuse Law, makaraang maispatan ito sa T.M. Kalaw Street, Ermita, Maynila, Lunes ng hapon.

Ayon kay Police Colonel Samuel Pabonita, chief ng District Investigation Division (DID) ng Manila Police District (MPD) ang suspek ay pawang residente ng Balut, Tondo.

Ayon sa ulat na isinumite ni P/Cpt. Rufino Casagan, hepe ng DID-District Police Investigation Operation Unit (DPIOU) kay MPD director PBGen. Andre P. Dizon, bandang 4:00 ng hapon nang arestuhin ang suspek sa nasabing lugar dahil na rin sa ilang araw na surveillance sa pangunguna ni P/Cpt. Veronica Apresurado, assistant team leader, hanggang sa masundan ito sa T.M. Kalaw.

Hindi na nakapalag pa ang suspek, nang isilbi ang arrest warrant na inisyu ni Judge Delight Aissa Salvador ng Regional Trial Court Branch 29 ng Maynila na may petsang Marso 23, 2023, dahil sa kasong acts of lasciviousness in relation to Sec 5(B) ng Republic Act (RA) 7610, four counts ng rape, at RA 7610 Child Abuse Law na may piyansang P180,000 na inilaan sa kasong “rape.”

Habang P200,000 naman ang inirekomenda sa bawat kaso ng “rape” sa ilalim ng RA 7610.

Ang suspek ay nakatala bilang “most wanted person” (MWP) sa district level.

Lubos naman nagpasalamat si Dizon na tinaguriang “The Game Changer General” sa isinagawang operasyon ng DPIOU at pag-aresto sa MWP sa lungsod.

AUTHOR PROFILE