Kelot tiklo sa panghahalay
TIMBOG sa mga pulis ang 20-anyos na binata nang ireklamo ng panghahalay ng isang Grade 12 na estudyante matapos makipag-inuman sa kanya Martes ng madaling araw sa Malabon City.
Ayon sa biktimang si Jill, 19, ng Brgy. NBBS, Navotas City, hindi na niya nagawang makapanlaban nang gapangin at puwersahang halayin ng suspek habang natutulog bago mag-ala-1:00 ng madaling araw sa kwarto ng bahay ng kaibigan sa Brgy. Longos.
Sa report ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nakipag-inuman ang biktima sa mga kaibigan, kasama ang suspek, sa bahay ng isa nilang kaibigan sa Brgy. Longos, Lunes ng gabi.
Nang malasing, ipinasiya ng biktima na makitulog sa bahay ng kaibigan pero laking gulat ng lang niya nang magising na wala na siyang damit at ginagawan na ng kahalayan ng kainuman.
Matapos ang panghahalay, humingi ng tulong si Jill kina Erwin Cerdeña at Alfie Dela Cruz, barangay tanod ng Brgy. Longos, na kaagad kumilos para dakpin ang suspek.
Dinala ng mga tanod sa Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Navotas Police Station ang suspek at ang biktima na naghain ng kasong paglabag sa R.A. 8353 o ang Anti-Rape Law sa Malabon City Prosecutor’s Office.