Default Thumbnail

Kelot tiklo sa pamamaril sa San Luis

June 7, 2023 Jojo C. Magsombol 214 views

KAMPO HENERAL MIGUEL MALVAR, Batangas – Nakalawit nitong Martes, Hunyo 6 ang suspek sa pamamaril ng isang lalake sa San Luis, Batangas sa isang hot pursuit operation ng mga kapulisan ng nasabing bayan, ayon kay provincial police PIO (Public Information Office) chief Police Lieutenant Pauline P. Fernando.

Sa report ni Batangas police director P/Col. Rainerio M. De Chavez kay PRO (Police Regional Office) Calabarzon (Cavite/Laguna/Batangas/Rizal/Quezon) Regional Director PBGen. Carlito M. Gaces na umano’y mabilis na nabigyan ng hustisya ang biktima ng pamamaril matapos masakote ang suspek dahil sa pakikipagtulungan ng komunidad sa kapulisan ng nasabing bayan.

Matatandaang nangyari ang pamamaril noong Hunyo 5, 2023 dakong 8:30 ng gabi kung saan binaril at napatay ang biktimang construction worker at residente ng San Luis, Batangas habang nag-iinuman sa bahay ng kaibigan nito.

Kaagad na nagsagawa ng operasyon ang San Luis police at sa tulong ng mga saksi ay natunton ang kinaroroonan ng suspek bandang ika-1 ng madaling araw ng Hunyo 6, 2023 na nagresulta sa pagkakahuli nito.

Nakuha sa kanya ang isang kalibre 38 na baril, mga bala at isang Honda Wave na motorsiklo na ginamit ng suspek sa pagsagawa ng krimen.

Kasalukuyang nakakulong sa San Luis Municipal Custodial facility ang suspek at inihahanda na ang mga kaukulang papeles para sa pagsampa ng kasong RA (Republic Act) 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Law at Murder.

“Malaki ang aking pasasalamat sa aking mga tauhan at sa pakikipagtulungan publiko na naging dahilan sa mabilis na pagkakahuli ng naturang suspek,” ani De Chavez.

AUTHOR PROFILE