Suspek

Kelot tiklo sa pagpatay sa kinakasama

August 19, 2023 Jojo C. Magsombol 173 views

KAMPO Heneral Miguel Malvar, Batangas–Sa malamig na selda humantong ang isang obrero matapos maaresto ng mga pulis sa umano’y pagpaslang sa kinakasama sa Taal, Batangas Huwebes ng gabi.

Sa report ni Batangas Police Provincial Director Col. Samson Belgica Belmonte kay Police Regional Office Calabarzon (Cavite/Laguna/Batangas/Rizal/Quezon) Director Police Brigadier General Carlito M. Gaces, kinilala ang suspek na isang 44-anyos na residente ng nasabing lugar.

Hindi binanggit sa report ang pangalan ng kinakasamang biktima.

Naresto ang suspek bandang alas-10:45 ng gabi noong August 17, 2023 nang nakatanggap ng tawag ang Taal Municipal Police Station mula sa mga opisyal ng Bgy. Zone 8 ng Taal hinggil sa isang anak na humihingi ng tulong tungkol sa nangyari sa kanyang ina.

Agad na rumesponde ang mga pulisya sa nasabing lugar at narinig ang suspek na sinisigawan ang kanyang anak.

Nakita ng mga pulis ang biktima na nakahandusay sa sahig na walang malay at may sugat sa ulo. Agad na inaresto ang suspek at isinugod sa ospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis kung ano ang dahilan at paano pinaslang ang biktima.

“Mariin po naming kinokondena ang karahasan lalo na sa pamilya. Makakaasa po kayo na agad naming aaksyunan ang anumang reklamo hinggil dito,” sabi ni Belmonte.

AUTHOR PROFILE