Knife

KELOT PINATAY SA TAGA, BUGBOG

August 7, 2023 Zaida I. Delos Reyes 235 views

PATAY ang isang lalaki matapos bugbugin at tadtarin ng saksak ng kanyang kapitbahay nitong Linggo ng gabi sa Lipa City, Batangas.

Ang biktimang hindi na umabot ng buhay sa Lipa City District Hospital ay nakilalang si Dominador Cabague, 53, binata at residente ng Sitio Balagbag, Barangay Dagatan sa nasabing lungsod.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na si Roque Temperatura, isang magsasaka at kapitbahay ng biktima.

Batay sa ulat ng Philippine National Police, naganap ang insidente nitong Linggo ng gabi sa tahanan ng biktima.

Ayon sa ulat, pinuntahan ng suspek ang biktima at sa hindi malamang dahilan ay bigla na lamang niya itong sinuntok at inundayan ng sunud-sunod na saksak.

Agad namang isinugod ang biktima sa pagamutan subalit hindi na ito umabot ng buhay, habang mabilis namang tumakas ang suspek matapos ang pananaksak.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.