Default Thumbnail

Kelot pinatay habang naglilinis ng bahay

April 18, 2023 Edd Reyes 139 views

PALAISIPAN pa rin sa pulisya ang ginawang pamamaril ng dalawang armadong suspek sa 45-anyos na lalaki na tumutulong lang sa paglilinis ng tirahan ng kapitbahay Martes ng umaga sa Navotas City.

Patuloy pang ino-obserbahan sa Navotas City Hospital ang biktima, residente ng Barangay Tangos-North, matapos isailalim sa operasyon sa tinamong mga tama ng bala sa likod at sa kaliwang bahagi ng kilikili habang kaagad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Navotas Police Sub-Station 2 subalit bigo silang makilala at madakip ang mga suspek.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig, tumutulong sa paglilinis ang biktima sa tirahan ng kapitbahay na kadikit lamang ng kanilang tinutuluyan sa nasabing barangay nang sumulpot ang mga suspek na ang isa ay nakasuot ng puting t-shirt at itim na jersey short, habang ang isa ay asul na long sleeves naman ang suot at pulang jersey short.

Bigla umanong naglabas ng baril ang dalawa na kapwa naka-face mask at may suot na bull cap at sunod-sunod na pinaputukan ang biktima na nakatakbo pang papasok sa kanyang tirahan sa kabila ng mga tinamong tama ng bala.

Nang tumakas ang mga suspek, kaagad na humingi ng tulong ang live-in partner ng biktima sa mga kapitbahay upang maisugod sa malapit na pagamutan ang kinakasama.

Sinabi ng live-in partner ng biktima sa pulisya na wala siyang alam na motibo kung bakit tinangkang patayin ang kanyang kinakasama habang patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya.

AUTHOR PROFILE