Default Thumbnail

Kelot patay sa saksak sa Sta. Cruz

October 18, 2022 Jonjon Reyes 330 views

PATAY sa saksak ang isang hindi pa nakikilalang biktima matapos umanong makipagsuntukan sa anak ng kanyang naunang nakasuntukan, sa Avenida Rizal ,Sta. Cruz, Maynila, madaling araw nitong Martes.

Inilarawan ang biktimang nasa edad 50-55, kayumanggi at may taas 5’3, na nagtamo ng dalawang saksak sa katawan.

Samantala, ayon sa testigo, dalawa ang itinuturong suspek na ang isa’y nakasuot ng itim na jacket at ang isa ay nakaitim na t-shirt.

Base sa ulat na nakarating sa tanggpan ni Police Lieutenant Dennis Turla, hepe ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, bandang 1:15 ng madaling araw nang maganap ang pananaksak sa tapat ng isang dental clinic sa Avenida Rizal sa Sta. Cruz.

Isang barangay tanod sa lugar ang nagbigay salaysay sa pulisya na diumano’y kapwa hindi residente sa lugar ang biktima at isang lalaki na nasa edad 60-62, na sinasabing miembro raw ng “Batang City Jail” na unang nakasuntukan ng biktima.

Nakita umano ng tanod ang pagsusuntukan ng biktima at isang lalaki kaya nilapitan niya at inawat ang dalawa pero nagsabi diumano ang lalaki sa biktima ng “Babalikan kita”.

Ilang minuto pa may dumating na dalawang lalaki, tinatayang nasa edad 20-25 at hinahanap ang lalaking umano’y nakasuntukan ng kanyang ama.

Maya-maya pa ay nakita ang biktima na duguan at humihingi ng tulong kaya isinakay ito sa tricycle at dinala sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) pero binawian ito ng buhay ng dakong 2:15 ng madaling araw.

Patuloy naman iniimbestigahan ng mga pulis ang insidente para matukoy ang pagkakilanlan ng biktima at salarin.

AUTHOR PROFILE