MPD

Kelot patay sa pamamaril sa Sta. Cruz

June 18, 2022 Jonjon Reyes 488 views

ISANG 40-anyos na lalaki ang pinagbabaril ng isang gunman sa Sta. Cruz, Lungsod ng Maynila Biyernes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Rafael Dizon ng Felix Huertas St., Sta. Cruz, Maynila.

Samantala, nakasuot ng puting long sleeves ang umeskapong salarin na naka-face mask, maong na short at naka-itim na bullcap.

Batay sa inisyal na ulat na nakarating sa tanggapan ng Manila Police District (MPD) Station 3, bandang 11:40 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa panulukan ng Antipolo at Felix Huertas Sts., sakop ng Bgy. 349 Zone 35 sa Sta. Cruz ayon kay P/Lt. Col. John Guiagui.

Agad naman itinawag sa MPD-Homicide Section sa ilalaim ni P/Lt. Adonis Aguila kung saan si Det. Rodolfo Acosta ang humawak ng kaso.

Sa imbestigasyong nakalap ni Det. Acosta, ayon sa isang saksi, nakaupo umano sa tricycle ang biktima nang lumapit ang gunman at pa-traydor itong binaril sa likurang bahagi ng katawan.

Agad isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktima subalit dakong 12:05 ng madaling araw ng Sabado pumanaw rin habang sumasailalim sa operasyon.

Ayon sa mga doktor, isang tama ng bala ang tinamo nito.

Narekober naman sa crime scene ang tatlong basyo ng bala ng kalibre 45 pistola.

Nasapol din sa footage ng CCTV (closed-circuit television) camera ang pangyayari na gagamitin ng mga awtoridad para sa imbestigasyon.

Pansamantalang inilagak ang labi ng biktima sa Cruz Funeral Morgue para sa kaukulang awtopsiya.

AUTHOR PROFILE