Kelot natagpuang patay sa Farmers Plaza

December 12, 2022 Melnie Ragasa-limena 97 views

MASUSING sinisiyasat ng mga awtoridad ang dahilan ng pagkamatay ng isang 18-anyos na binatilyo na natagpuang duguang nakabulagta sa ground floor ng Farmers Plaza sa Cubao, Quezon City, Linggo ng gabi.

Ang biktima ay residente ng Sta. Rosa, Laguna ayon sa pagsisiyasat ng mga awtoridad.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 6:05 ng gabi (Disyembre 11), nang matagpuan ang nakahandusay na at duguang biktima sa lower ground floor ng Activity Area sa Farmers Plaza Araneta City, sa Bgy. Socorro Cubao, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni Pat. Nestor V Ariz Jr. ng CIDU, abala umano sa kaniyang puwesto ang isang lady guard nang makarinig ng malakas na kalabog mula sa nasabing lugar.

Nang kaniyang beripikahin ay bumungad sa kaniya ang biktima na nakahandusay sa semento at bumubulwak na ang dugo sa bibig dahilan upang magpasaklolo siya sa mga nangangasiwa sa Araneta City.

Agad namang isinugod sa World Citi Medical Center ang biktima subalit binawian din ito ng buhay bandang 7:19 ng gabi, ayon sa attending physiscian na si Dr. Max Angelo Terrenal.

Nakuha ng mga awtoridad sa wallet ng biktima ang isang sulat na nagsasaad ng: “HINDI TAO O MGA TAO ANG DAHILAN NITO, MAY GUSTO LANG AKO MALAMAN MATAGAL NA, HINDI NYO MAINTINDIHAN KAHIT NA IPALIWANAG KO.”

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa naganap na insidente.