Kelot nasaksak sa rumble; nabuking na ‘Akyat Bahay’
BANTAY sarado ngayon ng pulisya sa pagamutan ang 23-anyos na kawatan na nasaksak sa isang rambulan nang makilala siya ng babaing call center agent na kanyang pinagnakawan sa Taguig City.
Positibong kinilala ni alyas “Rosa” 35, ang suspek na si alyas “Carl” na siyang nanloob sa kanya at tumangay sa kanyang mga alahas at salapi na may kabuuang halagang P60, 000.00 sa loob ng kanyang bahay sa Brgy. Sta Ana Martes ng alas-3:50 ng madaling araw.
Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen Bernard Yang, nagising ang biktima sa ingay na nilikha ng kawatan na nakita niyang nakatayo sa harap ng cabinet subalit bago pa siya makahingi ng saklolo ay tinutukan na siya ng patalim at mabils na tumakas nang makuha na ang kanyang mga alahas at salapi.
Nagreport naman sa pulisya ang biktima hanggang ipatawag siya matapos maratay sa Taguig Pateros District Hospital ang suspek na kilalang kilabot na akyat bahay sa Brgy. Sta Ana makaraang masaksak sa isang rambulan upang kilalanin kung ito nga ang nanloob sa kanya.
Matapos positibong ituro ni Rosa ang suspek, nagtalaga na si Taguig Police Chief P/Col. Joey Goforth ng pulis mula sa Ususan Police Sub-Station para bantayan ang kawatan.
Sinabi ni BGen Yang na nagsasagawa pa ng follow up operation ang Taguig Police upang mabawi ang mga tinangay ng suspek sa biktima.