Default Thumbnail

Kelot nang-hostage ng call center agent

October 15, 2023 Edd Reyes 762 views

HINOSTAGE ng isang 35-anyos na lalaki ang babaeng call center agent na nakasalubong sa daan Sabado ng hapon sa Pasay City.

Bigla na lamang sinunggaban sa leeg ni Rodel Saklayan, ng Imelda Marcos, Ilocos Norte, habang nakatutok ang basag na bote, ang biktimang si Cielo May Veringuel, 25, ng 075 Merges St. Daine 2, Indang, Cavite dakong alas-5:45 ng hapon sa harapan ng Fely’s Canteen sa kanto ng EDSA at Pilapil St. Brgy. 83.

Sa report kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Roderick Mariano, walang motibo sa pangho-hostage ang suspek.

Nakatawag pansin naman sa nagpapatrulyang sina P/SSg Danilo Cumabot at Pat. Joseph Gabe ng Libertad Police Sub-Station ang nagaganap na komosyon kaya’t mabilis silang nagresponde upang alamin ang sitwasyon.

Tinangkang makipag-negosasyon ni Cumabot sa suspek habang humingi ng tulong sa Special Weapon and Tactics (SWAT) team ng Pasay police si Gabe.

Sa gitna ng pakikipag-negosasyon, nakakita ng pagkakataon si Cumabot para sunggaban ang kamay ng suspek na naging daan para makahulagpos ang biktima.

Dito na pinagtulungang mapasuko ng mga pulis ang suspek.

Nahaharap sa kasong alarm and scandal, slight illegal detention at frustrated murder ang suspek sa Pasay City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE