Default Thumbnail

Kelot nahulog sa poste habang nagkakabit ng ‘jumper’

October 15, 2022 Edd Reyes 305 views

NANANATILING nakaratay sa pagamutan ang 38-anyos na lalaking iniulat na nahulog sa poste ng Meralco habang nagkakabit ng ilegal na koneksiyon ng kuryente o “jumper” sa Malabon City.

Sa ulat na tinanggap ni Malabon Police Chief P/Col. Albert Barot, umakyat sa poste ng Meralco sa kanto ng P. Aquino Street at Dagat-Dagatan Avenue noong Huwebes ng gabi, dakong alas-9:05, ang biktima na residente ng Letre Road, Barangay Tonsuya upang magkabit umano ng ilegal na kuneksiyon ng kuryente.

Dahil walang kasanayan sa naturang trabaho ang biktima, aksidenteng nahawakan niya ang buhay na kawad ng kuryente na dahilan upang dumaloy ang malakas na boltahe sa kanyang katawan kaya’t nawalan ng panimbang at tuluyang nahulog sa poste.

Nagkataong naglalakad ng pauwi sa naturang lugar ang kapatid ng biktima at nakita ang nakahandusay at walang malay na kapatid kaya’t mabilis siyang humingi ng tulong para maisugod sa pagamutan ang biktima.

Nagsagawa naman ng pagsisiyasat sa nangyaring insidente sina P/SSgt. Ernie Baroy at P/SSgt. Mardelio Osting ng Malabon City Police Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) upang alamin kung sino pa ang posibleng may kinalaman sa paglalagay ng ilegal na koneksiyon ng kuryente.

Batay sa umiiral na batas sa ilalim ng R.A.7832 o ang Anti-Electricity Act, ang sinumang mapapatunayang nagkabit ng ilegal na koneksiyon ng kuryente, nag-tamper ng electric meter o gumamit ng anumang uri ng aparato na nakakasagabal sa maayos at wastong pagrerehistro ng nakonsumong kuryente ay maaaring mapatawan ng parusang aabot sa 12-taong pagkakakulong habang P20,000 naman ang ilalaang piyansa para sa pansamantalang paglaya habang dinidinig pa sa korte ang usapin.

AUTHOR PROFILE