Default Thumbnail

Kelot nag-amok, tiklo sa boga

June 28, 2023 Jonjon Reyes 171 views

ISANG 18-anyos na binata ang nag-amok at tila “bangag” umano sa parehong alak at lango ang inaresto matapos makitaan rin ng baril, Miyerkules ng madaling araw sa Tondo, Maynila.

Ang suspek ay itinago sa alyas na “Ivan,” residente ng Barangay 123 sa Tondo.

Base sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Wilfredo Fabros, commander ng Manila Police District (MPD) Station 1, bandang 2:45 ng madaling araw, nang simulan ng binata ang magsisisigaw sa gitna ng kalye sa Mel Lopez Boulevard, Road 10, malapit sa panulukan ng Moriones Street sakop ng Bgy. 123 sa Tondo.

Ayon sa report ng Don Bosco Police Community Precinct (PCP), isang concerned citizen ang nagulat na may isang lalaki na nambubulahaw diumano sa nasabing lugar habang armado ng baril.

Dahil dito, agad na rumesponde sina PSSgt. Lovellie Joyce Austria at si P/Cpl. Johnnie Ace Andaya at namataan nila ang suspek na nagsisigaw sa kalye at naghahamon umano ng away.

Sinubukang pakalmahin ang suspek subalit hindi ito nagpatinag sa mga rumespondeng awtoridad nang bigla itong dinakma ni Andaya at pinosasan.

Narekober sa binata ang isang improvised na baril o “pen gun” na may isang bala.

Dahil dito, kasong paglabag sa Section 844 (breach of peace) at Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang kakaharapin ng suspek.

Nagpasalamat naman si MPD chief PBGen. Andre P. Dizon sa naging mabilis na aksyon ng nasabing istasyon at maayos na pagkakadakip sa suspek.

AUTHOR PROFILE