Default Thumbnail

Kelot nag-ala ‘samurai’ makuha lang relong inorder

May 16, 2023 Melnie Ragasa-limena 178 views

GAMIT ang isang katana at nagmistulang “samurai” nang holdapin umano ng isang online shopper ang delivery rider na nagdala ng kaniyang produkto na inorder online.

Ang 31-anyos na suspek ay naaresto at nahaharap sa kasong robbery.

Ayon kay P/Brig. Gen. Nicolas Torre III, Quezon City Police District (QCPD) director, nangyari ang insidente bandang alas-2 ng hapon sa Barangay Commonwealth nitong Lunes.

Nakasaad sa police report na umorder ang suspek ng Seiko wristwatch na nagkakahalaga ng P15,000 sa isang online shop.

Sa nasabing araw ay dinala ng delivery rider ang relo sa address ng suspek.

Ngunit nang dumating ang delivery rider sa “meeting place” ay dumating ang suspek na armado ng katana at nagdeklara ng holdap umano.

Kinuha ng suspek ang relo at agad na umalis.

Nireport naman ng delivery rider ang insidente sa kaniyang employee na agad siyang sinamahan na magreport sa Batasan Police Station 6.

Naaresto ang suspek sa kaniyang tahanan matapos magsagawa ng follow-up operation ang pulisya. Narekober din ang katana na may habang 27 pulgada at ang kinuhang wristwatch.