Default Thumbnail

Kelot na wanted sa Tondo, tiklo sa Pulilan

January 13, 2023 Jonjon Reyes 226 views

DAHIL sa pinaiiral at patuloy na kampanya ng Manila Police District (MPD) na “Oplan Galugad” at ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO), isang 30-anyos na lalaki na wanted sa Tondo ang nasundan at nabingwit sa Pulilan Bulacan, dahil sa kasong murder at attempted murder.

Ang matagumpay na pag-aresto sa suspek ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng DID-SMaRT (District Investigation Division-Special Mayor’s Reaction Team) at ng MPD at Raxabago Police Station (PS) 1, Huwebes ng hapon.

Nakilala ang suspek sa alyas na “Rene,” ng Barangay 105 Vitas sa Tondo.

Ayon sa ulat ni P/Maj. Edward Samonte, hepe ng DID-SMaRT, bandang 5:30 ng hapon nang ihain ang arrest warrant sa suspek sa Esguerra Street, Bgy. Longos, Pulilan, Bulacan.

Pinangunahan ni P/Maj. Emmark Dave Apostol, deputy chief ng DID-SMaRT, kasama sina P/Maj. Joemar Mukarram at P/Capt. Edgar Julian, bukod pa sa mga tauhan ng Warrant Intelligence Section ni P/Lt. Rosalino Ibay Jr., commander ng MPD PS 1 sa pangunguna ni P/Capt. Joseph Villafranca at ang miyembro ng Regional Investigation Unit ng NCRPO (National Capital Region Police Office) na si P/Capt. Pierre Jamil Datong, ang pag-aresto sa suspek sa Bulacan.

Bago nila tinungo ang kinaroroonan ng suspek ay nakipagkoordina muna sila kay P/Lt. Col. Nelson Sardin, na siya namang hepe ng Pulilan Municipal Police sa Bulacan.

Nang magpositibo sa inginuso ng impormante, dito na nakorner ang suspek na hindi naman ito pumalag ng isilbi ang warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Marina Manuel, ng Regional Trial Court (RTC) Branch 25 ng Maynila, dahil sa nasabing mga kaso na may petsang Oktubre 14, 2020 at may piyansa para sa attempted murder na P70,000.

Nagpaabot naman ng pagbati at pasasalamat si MPD Director P/Brigadier Gen. Andre P. Dizon sa kanyang mga kapulisan dahil sa pagkakahuli sa suspek sa paghabol sa mga nagkakasala at nagtatago sa batas.

AUTHOR PROFILE