Default Thumbnail

Kelot na may IEDs, armas sa bahay, dedo sa shootout

April 21, 2023 Zaida I. Delos Reyes 279 views

PATAY ang isang lalaki matapos na manlaban umano sa mga alagad ng batas na nagsilbi ng search warrant laban sa kaniya nitong Huwebes ng gabi sa Lamitan City, Basilan.

Ayon kay Lamitan City Police chief Lt. Col. Arlan Delumpines, ang napatay na suspek ay residente ng Barangay Maganda, Lamitan City.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang insidente ay naganap dakong 8:00 ng gabi sa tahanan ng suspek.

Nagtungo umano ang mga tauhan ng 18th Infantry Battalion (IB) at Basilan Police Provincial Office (PPO) sa bahay ng suspek upang isilbi ang search warrant.

Gayunman, nang makita ang mga pulis ay diumano ay bumunot ng .45 caliber pistol ang suspek at pinaputukan ang mga otoridad.

Gumanti ng putok ang mga pulis na naging sanhi ng kamatayan ng suspek.

Nakuha mula sa suspek ang mga sangkap ng improvised explosive device (IED), mga armas, IED blasting caps, ammonium nitrate, mga electronic devices, at mga sangkap na ginagamit sa paggawa ng bomba.