
Kelot itinumba sa inuman
DEAD on the spot noong Sabado ang isang lalake matapos pagbabarilin ng di-kilalang salarin habang nakikipag-inuman sa grupo sa Purok 4, Bgy. Pagaspas, Tanauan City, Batangas.
Ayon sa report ni Tanauan City Police Station chief P/Lt. Col. John G. Rellian kay Batangas police director P.Col. Samson B. Belmonte ang mga biktima ay nakikipag-inuman sa kanyang mga kapitbahay bandang alas-9:06 ng hapon ng November 18, 2023 nang biglang dumating umano ang hindi pa nakikilalang suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima na tinamaan sa ulo na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.
Tinamaan din ng ligaw na bala ang isa pang biktima na nakaupo sa tabi ng nasawi at agarang isinugod ng mga residente sa Health Way Daniel O. Mercado Medical Center at kasalukuyang ginagamot.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek na dala ang ginamit na sandata patungo sa hindi malamang direksyon sakay ng isang kulay itim na motorsiklo na pinaniniwalaang Honda Supremo.
Nag-alarma ang Tanauan City police sa lahat ng istasyon ng Batangas PPO thru radio at humiling din sa Scene of the Crime Operatives technicians (SOCO) para sa technical investigation.