Default Thumbnail

Kelot inatake bago makaboto sa Tondo

May 10, 2022 Jonjon Reyes 240 views

HINDI na nagawang makaboto ang isang 48-anyos na lalaki makaraang atakihin habang papasok sa loob ng voting center sa Tondo High School, Lunes ng hapon.

Nakilala ang biktimang si Pedro Ramil Jr., residente ng Model Community sakop ng Bgy. 118 Zone 9, Tondo sa Maynila.

Base sa ulat na isinumiti ni P/Lt. Adonis Aguila, hepe ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section kay P/Brig. Gen. Leo “Paco” Francisco, bandang 4:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa mismong harapan ng pinto sa ikatlong palapag sa Room 308 ng Tondo High School.

Isang hakbang na lang para bumoto ang biktima nang bigla itong mag-collapse.

Gayunman, nagtulong-tulong ang ilan nitong kapitbahay na maisugod sa Gat. Andres Bonifacio Memorial Medical Center subalit idineklara itong dead on arrival.

Ayon sa isang Roberto Rabe Jr., diumano ay may sakit na “asthma” ang biktima at habang nakapila ito para bumoto sa national at local election nang makita nito na nawalan ng malay si Ramil.

Agad itong tumawag sa medic na nakatambay sa loob ng eskuwelahan at mabilis itong isinugod sa nasabing pagamutan subalit binawian din ng buhay. Ni Jon-jon Reyes

AUTHOR PROFILE