Default Thumbnail

Kelot hinostage pamilya, nag-suicide

August 13, 2024 Jojo C. Magsombol 142 views

DEDO noong Linggo ang isang lalaki na umano’y nang-hostage ng kanyang pamilya, matapos magbaril sa sarili sa Brgy. Lumbang, Lipa City, Batangas.

Ayon kay Batangas police director P/Col. Jacinto R. Malinao, ang suspek ay kinilalang si alyas Jake, 40, may live-in partner, jeepney driver at pansamantalang naninirahan sa nabanggit na lugar.

Nauna rito, ang mga pinagsamang elemento ng RSOG National Capital Region Police Office (NCRPO), RSOG 4A, RMFB4A, NICA, National Bureau of Investigation (NBI), Special Action Force (SAF) at Lipa CCPS ay magsisilbi ng warrant of arrest laban sa mga akusado para sa kasong murder na inisyu ni Judge Harold Cesar C. Huliganga ng Regional Trial Court (RTC) Branch 254 ng Las Piñas City.

Nag-ugat ang operasyon sa pagtutulungan para sa impormasyon sa pagitan ng mga miyembro ng NICA4A at RID4A at COPLAN mula sa RSOG-RID, NCRPO.

Ayon sa report, nang papalapit na ang mga awtoridad sa tahanan ng suspek ay biglang pinaputukan ang mga implementing officer.

Nagkaroon ng negosasyon at sa tulong ng chairman ng Brgy. Lumbang at mga kaanak ng suspek ay pinalaya nito ang kanyang asawa at anak na na-trap sa loob ng kanilang inuupahang silid.

Gayunpaman, sa paglapit ng implementing team ay nakarinig sila ng mga putok ng baril.

Pagpasok ng bahay ay nakitang nakabulagta ang suspek sa sahig na duguan na sinasabing nagbaril sa sarili.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang isang kalibre 45 pistola, basyo ng bala at isang deformed slug para sa nasabing baril.

Dinala ang duguang suspek sa Ospital ng Lipa para sa agarang atensyong medikal ngunit idineklara itong dead on arrival ng attending physician.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga kapulisan.

AUTHOR PROFILE