Kelot hinataw ni kuya ng superkalan, patay
ARESTADO ang isang lalaki na tinuturong humataw ng tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) sa kanyang nakababatang kapatid, na naging sanhi ng pagkamatay ng huli nitong Huwebes ng gabi sa Quezon City.
Nasa kustodiya na ng Quezon City Police District (QCPD) ang 60-anyos na suspek na residente ng Brgy. Talayan, Quezon City.
Dead on the spot naman ang 50-anyos na biktima.
Batay sa imbestigasyon, nangyari ang insidente dakong alas-9 ng gabi nitong Huwebes. Nagiinuman umano ang magkapatid na biktima at suspek kasama ang iba pang kasamahan sa trabaho.
Nagulat na lamang ang mga katrabaho at saksi nang sitahin ng biktima ang suspek sa hindi malamang dahilan.
Nagsuntukan ang magkapatid na naawat naman ng kanilang mga kasamahan. Dito na umalis ang biktima.
Makalipas ang ilang minuto, bumalik ang biktima na may dalang lyabe at muling kinompronta ang suspek.
Bunga nito, nagalit ang suspek at hinataw sa ulo ng superkalan ang biktima.
Agad na humingi ng saklolo ang mga saksi na nagresulta rin sa pagkakadakip sa suspek.