Kelot dedo sa tarak sa car wash
TODAS ang isang lalake matapos pagsasaksakin ng dalawang nakaalitan nito umano sa isang car wash sa Barangay Gulod Labac, Batangas City, Linggo ng hatinggabi, iniulat ng pulisya.
Ayon kay P/ Lt. Col. Dwight F. Fonte, Jr., hepe ng Batangas City Police Station, ang biktima ay nagtamo ng maraming tama ng saksak sa iba’t-ibang parte ng katawan.
Base sa inisyal na imbestigasyon, ang biktima ay nagpunta sa isang car wash dakong alas 12:29 ng madaling-araw, Abril 9, 2023 at kinompronta diumano ang mga suspek sa hindi pa batid na dahilan.
Mabilis umanong bumunot ang isang suspek ng kutsilyo at habang ice pick naman ang ginamit ng kasamahan nito saka umano inundayan ng sunod-sunod na saksak ang biktima.
Nagtamo ang biktima ng mga grabeng sugat at agarang itinakbo sa Jesus of Nazareth Hospital subalit wala ng buhay nang idating bandang 1:20 ng umaga ayon kay Dr. Gregorio Chavez.
Ang dalawang suspek ay mabilis na tumakas dala ang mga patalim na ginamit.
Patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng mga kapulisan.