Kelot binaunan ng bala sa ulo sa Baseco

December 17, 2022 Jonjon Reyes 57 views

SINIGURADO at hindi pa umano nakuntento ang salarin, matapos barilin nang dalawang beses na patraydor kahit na nakahandusay na ang isang 25-anyos biktimang lalaki, at muli pa itong binalikan saka ito ulit pinaputukan sa ulo, bago umeskapo sa madilim na bahagi ng Baseco Compound, Port Area, Maynila Sabado ng madaling araw.

Nakilala sa alyas “Pablito Jr” ang biktima, binata ng Gasangan St., Baseco Compound.

Samantala, isang salarin na nakasuot ng kulay itim na t- shirt, shortpants na khaki, at nakasuot ng pulang bull cap ang itinuturo ng kapatid ng biktima at isang testigo ang pumatay umano sa binata.

Base sa ulat na nakarating kay Police Lt. Dennis Turla, hepe ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, bandang 12:04 ng madaling araw, nang maganap ang krimen sa Block 15-A sa Baseco Compound.

Agad naman pinakilos ang mga tauhan ni P/Lt. Col. Rodel Borbe, commander ng MPD Baseco Police Station 13 para magsagawa ng follow-up operation at imbestigasyon sa pamamaril.

Agad na kinordon ang pinangyarihan ng insidente bago dumating ang Forensic Unit SOCO (Scene of the Crime Operatives) at MPD Homicide Section, sa pangunguna ni P/Capt. Giovanni Brinquez at ng mga tauhan ni Turla.

Narekober sa crime scene ang dalawang basyo mula sa kalibre 45 baril.

Una rito, habang nakaupo sa bangketa ang biktima, nilapitan umano ito ng nagsosolong suspek saka patraydor itong binaril sa ulo, humandusay sa semento ang biktima at upang masigurong patay na, muli umanong bumalik ang gunman, saka pinaputukan muli sa ulo at tumakas.

Gayunman, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya habang ang bangkay ay pansamantalang inilagak sa Body and Light Funeral Morgue para sa kaukulang awtopsiya.

AUTHOR PROFILE