Kelot arestado sa QC sa P1M shabu
ARESTADO ang isang lalaki sa Quezon City matapos siyang mahulihan ng mahigit P 1 milyong halaga ng hinihinalang shabu.
Ayon sa ulat ng PS 6 sa pamumuno ni PLtCol. Romil Avenido, kinilala ang akusado na si Abdul-aziz Glang, 40, residente ng Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Isinagawa ang buy-bust operation dakong 11:30 p.m., September 17, 2024, sa kahabaan ng Pinagkaisa St., Brgy. Commonwealth, Quezon City, makaraang ipagbigay-alam ng isang confidential informant ang pagbebenta ng iligal na droga.
Isang undercover na pulis ang nagpanggap bilang poseur buyer at bumili ng shabu na nagkakahalaga ng P1,000 at sa ibinigay na pre-arranged signal ay naaresto ang suspek.
Nasamsam ang 175 grams na shabu na nagkakahalaga ng P1,190,000, itim na sling bag, cellphone at ang buy-bust money na ginamit sa transaksyon.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“Lubos nating binibigyang halaga ang ating tungkulin sa pagpapatupad ng batas, gayundin na siguraduhin ang kaligtasan ng ating mamamayan sa Lungsod Quezon. Kung kaya, patuloy ang ating mahigpit na kampanya laban sa illegal na droga upang bigyang katuparan ang mandatong mapanatili ang ligtas at protektado ang ating lungsod,” ayon kay PBGen. Redrico A. Maranan.