Kelot arestado sa pagnanakaw sa Paco
HIMAS rehas ang isang tinaguriang “most wanted person” (MWP) matapos maaresto ng mga operatiba ng District Police Investigation Operation Unit (DPIOU) ng Manila Police District (MPD) ang isang 42-anyos na lalaki sa kasong pagnanakaw sa Paco, Maynila, Biyernes ng hapon.
Ayon kay P/Capt. Rufino Casagan, hepe ng DPIOU-MPD, ang suspek pawang residente din ng nasabing lugar.
Base sa ulat ng pulisya, pasado 5:15 ng hapon at sa gitna ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO) at “Oplan Galugad” kaya agad naaresto ang suspek.
Pinamunuan nina P/Capt. Veronica Apresurado at sa ilalim ni P/Col. Samuel Pabonita, chief ng DID-MPD ang pagkasa ng pagdakip sa MWP.
Inaresto ang suspek batay sa arrest warrant na inisyu ni Presiding Judge Ferdinand Campomanes Baylon ng Regional Trial Court (RTC), Branch 77 ng Quezon City sa kasong “theft” ng Revised Penal Code at may piyansang P40,000.
Nagpasalamat naman si MPD Director P/Brig. Gen. Andre P. Dizon sa walang humpay na operasyon kontra krimen at pagkalap sa mga nagtatago sa batas.
Sinabi rin ng heneral na dapat maging presentable ang kapulisan, sundin ang “MKK=K” o “Malasakit, Kaayusan, Kapayapaan, and Kaunlaran” ni PNP chief Rodolfo Azurin Jr. at SAFE Program (Seen, Appreciated and Felt by the people through Extraordinary actions) na direktiba ni National Capital Region Police Office (NCRPO) P/Maj. Gen. Jonnel Estomo.