KC

KC sa pag-unfollow kina Kiko at Frankie: Mas gusto kong piliin ‘yung peace of mind ko

August 29, 2023 Vinia Vivar 275 views

Finally ay nagsalita na si KC Concepcion hinggil sa pinag-uusapang pag-unfollow niya sa Instagram sa stepdad na si Atty. Kiko Pangilinan at kapatid na si Frankie Pangilinan, dahilan para maghinala ang mga Marites na may tampuhan na namamagitan sa kanilang pamilya.

Sa programang ni Cristy Fermin sa Radyo5 at One Ph, guest si KC at dito ay natanong sa aktres kung ano ang dahilan ng pag-unfollow niya kina Kiko at Frankie.

Nabanggit nga rin ni ‘Nay Cristy na pina-follow ni KC ang isa pang kapatid na si Miel pero hindi pina-follow ni Miel si KC.

Nakangiti at mahinahon naman itong sinagot ni KC. At one point, nakita naming bahagya siyang naging emosyonal.

“Kapag showbiz po talaga, ‘no, tita, lahat parang lumalaki. Hindi naman po masama na magkaroon ng time na meron kayong ina-unfollow or meron kayong ipa-follow. Mahirap lang po talaga kapag showbiz po ‘yung family, talagang lahat pinupuna po.

“Pero kasi, I think ‘yung sa akin is more of like I said, may mga complicated po talaga pagdating sa blended family. Meron din po talagang times na hindi perfect. Hindi po kami perpekto. And hindi po laging kailangan, perfect,” simula ni KC.

Ayon sa dalaga, ang gusto lang naman niya ay magkaroon ng peace of mind.

“Wala naman po akong gustong ikwento pa apart from the fact na ako, I just want peace of mind, I want to be happy, I want my family to be happy. Ang gusto ko lang is maging light, maging masaya. Ayoko ng maraming drama,” aniya.

Patuloy pa niya, “’Yung forgiveness siguro sa family, important din ‘yun para maging okay ‘yung takbo ng relationship ng lahat. And sometimes, mas gusto kong piliin ‘yung peace of mind ko, tita.”

She also stressed na ginagawa niya ang best niya para maging mabuting anak at ate.

“Basta po ako, feel na feel kong maging ate. And like ‘yung vlog ko sa Father’s Day, ang sinasabi ko lagi is important na ang dalawang tao sa isang relasyon work together to make it a good relationship.

“Kung meron man akong pagkukulang or pagkakamali kahit saan, sa tingin ko, mabibilang sa isang kamay lang ‘yun. Lahat ng ginusto ng family ko na gawin ko, ginawa ko.

“Nagtapos ako ng kolehiyo, nagtrabaho ako, inalagaan ko po ‘yung career, minamahal ko po ‘yung mga tao, talaga pong ginagawa ko ang lahat para maging mabuting anak, mabuting ate,” she said.

Dagdag pa niya, pinipilit niyang maging close sa lahat ng half-siblings niya na inisa-isa pa niya tulad nina Chloe, Gary, Frankie, Miel, Miguel, Samantha at Savanna.

“Very close po ako sa lahat ng half-sisters and half-brother ko. I just think na may mga moment na wala na akong control and mas gugustuhin ko pong i-keep ang aking peace of mind.

“Kasi po, 30s na rin ako, hindi na po ako bata. So, may mga panahon din po na… (napabuntung-hinga muna si KC) parang isipin ko muna ‘yung mental health ko, kung ano ‘yung makakabuti sa peace of mind ko, kahit ano pa ‘yan, mas uunahin ko po muna ‘yun. Importante po kasi ‘yun, eh. Para mas kaya kong mahalin ‘yung mga tao in the way na dapat,” she said.

Sa ngayon, mas gusto muna niyang mag-focus sa paparating na concert ng kanyang Mama at Papa na sina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion.

Natanong din kay KC kung saan naka-posisyon ang mommy niya sa lahat ng nagaganap na ito.

“Naku, ako po, love na love ko po ‘yung mommy ko, kahit ano pang mangyari, tita. And ang mommy ko, kami na ‘yan, eh. Bata pa lang ako, best friend ko na ‘yang si Mama.

“And kahit ano pa ang, you know, marinig namin pareho, maraming bumubulong ng kung anu-ano about her sa akin and about me sa kanya, ang gusto ko lang sanang sabihin is, ano bang gusto n’yo, masira kaming mag-nanay o maging mas close kaming mag-nanay?

“Kasi kung papasok kayo sa buhay namin, huwag n’yo kaming ipaghiwalay,” pahayag ni KC.

Hiling din ng aktres na sana ay dumating ang panahon na makita ng kanyang ina kung gaano niya ito kamahal.

“Sa akin kasi, at the end of the day, mag-nanay kami, eh, nagmamahalan kami. And sana, dumating kami, tita, ng mommy ko sa point na, alam n’yo ‘yun? Kung kaya ko nga ring alagaan ‘yung Mamita ko, ‘yung lola ko po, kasama niya, kaming dalawa ang nag-aalaga sa kanya, what more ako sa kanya? Eh, ako ang panganay niya.

“So, mayroon akong feeling na malalaman din ni Mama kung gaano ko siya kamahal pagdating ng panahon. Wala nang ibang mas pwedeng magmahal sa kanya kung paano ko siya kayang mahalin,” saad ni KC na bahagyang nagiging emosyonal na.

“And hindi man ako asawa, hindi man ako manager, alam n’yo ‘yun, hindi man ako nakatira sa kanya, pero mahal na mahal ko ‘yang nanay kong ‘yan,” dagdag niya.

Minsan daw ay nananahimik na lang siya at mas gusto na lang niyang makita ng mga tao at ng kanyang pamilya ang kanyang puso.

“Mas importante sa akin na malaman nila ‘yung heart ko for them kesa ‘yung i-defend ko ‘yung sarili ko ‘pag may mga tsismis. Mas gusto ko pong tumahimik and then, let time tell na lang.

“Hindi po ako perfect, pero pilit ko pong i-resolve lahat ng kaya kong i-resolve para maayos lang po kami.

“Kasi, in a way, mana po ako kay Papa, light lang, gusto lang namin, masaya,” pahayag pa ni KC.

AUTHOR PROFILE