Kaya ni Administrator Arnel Ignacio ang OWWA

August 17, 2022 Allan L. Encarnacion 141 views

Allan EncarnacionHINDI natin makukuwestiyon ang sinsiridad ni bagong OWWA Administrator Arnel Ignacio na gumanap ng kanyang trabaho.

Isa si Arnel sa loyalista ni former President Rody Duterte na kung isasalarawan ang kanyang lakas sa dating administrasyon, puwede nating sabihing bagyo siya.

Nasubaybayan natin ang mga kilos at mga pahayag ni Arnel sa nakaraang anim na taon kaya puwede nating sabihing isa siya sa “CLAYGO” ng Duterte administration. Claygo na ang ibig sabihin ay Clean as you go. Meaning, malinis itong pumasok sa gobyerno at malinis ding umalis.

Wala tayong nabalitaang nang-abuso ito ng kanyang lakas sa dating pamahalaan at hindi ito nanghaimosok sa mga kontrata para kumita sa transaksiyon.

Kaya iyong mga kumukuwestiyon sa kapasidad ni Arnel na pamunuan ang OWWA, sa tingin natin ay wala itong batayan. Sa totoo lang, maraming ahensiya ang pamahalaan na hindi kailangan ng doctorate degree or ano mang masteral or graduate studies. Madalas, common sense lang ang kailangan para magampanan mo ang iyong mandato.

Ano ba ang obligasyon ng OWWA? Tiyakin ang kapakanan at kaligtasan ng mga manggagawang Pinoy sa ibang bansa? Mahirap bang gawin iyon? Yes, mahirap gawin yan pora sa mga walang malasakit sa kanyang kababayan.. Yes, mahirap gampanan ang tungkulin sa OWWA kung gusto lang ng mga umuupo diyan ay perks and junket habang nasa puwesto. Lahat ng bagay na madali sanang gawin ay nagiging mahirap lamang kapag ang gagawa ay talagang wala namang balak gawin.

Ako mismo ay Exhibit A sa ilang posisyon sa gobyerno na nahawakan ko na. Makailang ulit naman tayong naging Public Information Office chief ng ilang lungsod sa Metro Manila at napuwesto rin naman tayo sa iba pang government offices sa mga nakaraan

Alam kong huwag lang ipapasungkit sa iyo ang buwan at bituin, kaya mong gawin lahat kung totoong serbisyo lang ang lakad mo. Natatandaan kong nasa isang city hall ako nang sumalubong sa akin ang buena manong malaking rally ng urban poor na may mga dalang sulo at mga plakard.

Ang reklamo nila, pinangakuan sila ng dating administrasyon na ibibigay sa kanila ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay. Pati ang dating konseho ang kanilang binibira sa rally. Hindi ko naman sana trabaho iyon pero inutusan ako ni alkalde na harapin ang mga protesters.

Iyong dagundong ng sigaw ng mga protresters ay biglang tumahimik. Ang ginawa ko lang, kinausap ko ang mga lider nila, kinausap ko rin ang mga lider ng konseho at kinausap ko rin si Mayor para pag-usapan ang solusyon sa problemang likha ng nakaraang administrasyon. Pinagharap-harap ko sila para magpalitan ng mga gusto nilang mangyaring solusyon.

Hindi kayo maniniwala rito, iyong galit na galit na dumating sa rally, mapayapang umalis at yumayakap pa sa akin at nagpapasalamat dahil nagkaroon sila ng pagkakataong makausap ang lahat ng dapat nilang kausapin.

May isa pang insidente, iyong isang poste ng kuryente sa main street, kung saan-saan na raw nilang opisina inireklamo dahil mabubuwal na, walang umaaksiyon. Itinawag pa sa mga programa sa radyo kaya iyong radyo naman ay tumawag sa Mayor’s Office. Ako na naman ang pinasagot ni Mayor dahil sa on air complaint.

Simple lang ginawa ko, habang walang aksiyon ang Meralco sa reklamo, tinawagan ko ang Engineering office. Iyon mismong araw na iyon, pinaayos ko ang poste kahit temporary solution muna. Nagpasalamat din kay Mayor ang nagrereklamo.

Kahit hindi mo maibibigay sa mamamayan ang buong mundo, ibigay mo lang ang pansin sa kanilang reklamo, masaya na sila. Hindi man siya ang ultimate solution, at least may ginawa kang aksiyon.

Sa dami ng problemang ilalapit sa iyo, hindi mo kakayaning mabigyan lahat ng solusyon pero puwede mo silang bigyan ng iyong atensiyon.

Ganoon din ang nakikita kong kayang gawin ni Arnel, ang mabigyan ng focus ang problema ng ating mga OFWs na sa madalas na pagkakataon ay napapabayaan.

Bigyan natin ng tiyansa si Arnel dahil alam kong kaya niya ang trabaho para mga kababayan nating nagsisiikap sa ibang bansa para mabuhay ang kanilang pamilya dito sa ating bayan.

allanpunglo@gmail.com