Kaya ba ni General Catapang ang Bilibid?
MAHIRAP din minsan paniwalaan ang nga kababalaghang likha ng iyong imahinasyon.
Bago nahuli ang puganteng preso na si Michael Angelo Cataroja sa Angono, Rizal, may nakuha umanong mga buto sa poso negro sa Bilibid.
Gimbal ang dating ng mga balita dahil sa tulong ng K9 dog, natunton ang nawawalang preso.
Makalipas ang ilang araw, may lumabas na resulta. Ayon sa forensic investigation, iyong mga buto raw na nakuha sa septic tank ay hindi buto ng tao bagkus ang mga buto ng manok.
Teka nga muna, nang makita ko ang picture ni Cataroja sa mga naglabasang balita matapos siyang maaresto, full grown adult naman siya, hindi naman mukhang fetus! Paanong maikukumpara ang mga buto ng manok sa buto ng isang adult person?
Kung sanggol si Cataroja nang makulong, baka puwede nating sabihing mga buto nga niya iyon. Ang hindi ko lang mapaniwalaan, bakit ang unang report ng Bucor ay mga buto ni Cataroja tapos makalipas lang ang ilang araw, buto na ng manok?
By the way, ang mga buto ng manok ay hindi puwedeng maikumpara sa mga buto ng tao, buto ng baboy at buto ng baka. Masyadong malambot ang buto ng manok na madalas nga ay nalulusaw pa ito sa katagalan.
Ano ba ang gusto nating ipuntos sa isyung ito? Simple lang naman, kailangang linawin ng Bucor na kung buhay nga pala si Cataroja, baka naman buto nga ng tao ang unang nakita sa poso negro?
Sana lang magkaroon ng full transparency sa imbestigasyong ito kasi hindi natin malunok na pagkamalang buto ng tao ang mga buto ng manok!
Baka hindi nyo alam, may ibang tao kapag kumain ng manok, walang natitira kahit buto dahil sa lambot.
***
Speaking of Bucor, hinahanapan natin ng tapang si Director Catapang para totoong mapatino ang Bilibid.
Makailang ulit na siyang nag-Oplan Galugad pero bakit hindi nauubos ang mga kontrabando?
May trak-trak na beer in can pa nga na pasiklab ngunit ang ending, mayroon pa ring nakakapagpuslit!
Ang malungkot, nagpakita pa ng video si Senator Tol Francis Tolentino na nag-iimpake ng droga sa mismong loob umano ng Munti!
Mahirap din magkaroon ng apelyidong Catapang tapos “duwag” ang tingin ng ibang preso sa mga polisiya kaya nagpapatuloy sila sa kanilang mga kalokohan.
Hinahamon natin si General Catapang na totohanang linisin at patinuin ang Munti.