Kawatan ininguso ng buyer, huli
PANTABANGAN, Nueva Ecija–Arestado ang isang binata dahil sa pagbebenta ng umano’y ninakaw niyang baka noong Biyernes sa bayang ito.
Ayon kay Major Willard Dulnuan, hepe ng pulisya, inireklamo ng may-ari ng baka ng pagnanakaw ng baka ang suspek na residente ng Brgy. Agbanawag, Rizal, Nueva Ecija.
Isinagawa ang operasyon kasunod ng reklamo ng isang 69-anyos na babae na ninakaw at binenta daw ang alaga niyang baka habang nakasuga dakong alas-5:30 ng hapon.
Sinabi ni Dulnuan na natunton ng kanyang mga tauhan ang lokasyon ng lalaking bumili umano ng ninakaw na baka.
Sa tulong ng buyer, nakilala at naaresto ang suspek at nabawi din ang ninakaw na baka.
Sinampahan na ng kasong paglabag sa anti-cattle-rustling law of 1974 o Presidential Decree No. 533 ang naarestong suspek na nakakulong na ngayon.