Kach

Kaunaunahang OFW, naisakatuparan pangarap na malibot buong mundo 

January 14, 2025 Edd Reyes 272 views

PINATUNAYAN ng Pinay overseas Filipino worker (OFW) ang kakayahan ng mga manggagawang Pinoy na tulad niya na malibot ang buong mundo, gamit ang kanyang Philippine passport.

Ayon sa dating OFW at Digital Nomad na si Kach Medina Umandap hindi naging madali para sa kanya ang ginawang paglibot sa 195 na bansa sa buong mundo lalu pa’t naipit siya noong kasagsagan ng pandemya.

Sa kabila nito, nakagawa pa rin ng paraan si Kach na ipagpatuloy ang kanyang pangarap dahil na rin sa pagsisikap at tulong ng kanyang kompanyang TravelwithKach.com at Filipinopassport.com na nagpadali sa pagproseso ng kanyang visa para mapuntahan ang iba’t-ibang bansa.

Unang nagtrabaho si Kach noong 2013 bilang quality assurance supervisor sa Kuwait Hospital ngunit nagbitiw noong 2014 upang tuparin ang pangaral na malibot ang buong mundo.

Sinabi ni Kach sa kanyang pagdating sa bansa Martes ng tanghali na nakakuha rin siya ng suporta sa kanyang ama na si Dr. Chie Umandap na dati ring OFW at kasalukuyang Chairman ng 116 AKO-OFW Partylist at naging inspirasyon niya sa pagtupad ng kanyang pangarap.

Sa kanyang pagbabalik sa Maynila, sinabi ni Kach Medina Umandap na aasikasuhin na muna niya ang iba pang mga aktibidad na kanyang gagawin, kabilang na ang motorcade sa San Pablo Laguna sa darating na Enero 17.

Samantala, kinumpirma rin ng Nomad Mania na isa si Kach sa 500 tao na nakalibot na sa buong mundo.

AUTHOR PROFILE