
Kathryn labas sa gulong Daniel-Kyle sa ABS-CBN Ball
Sa totoo lang, sari-sari ang bersyong lumalabas hinggil sa diumano’y naganap na gulo sa pagitan nina Daniel Padilla, Kyle Echarri, JK Labajo at Richard Gutierrez sa after-party ng ABS-CBN Ball 2025 last Friday.
Iba-iba ang kwento.
Ayon sa ibang report na lumabas, hindi raw nagustuhan ni Daniel ang paghawak-hawak ni Kyle kay Kathryn Bernardo kaya pinagsabihan umano ni DJ ang batang aktor hanggang sa umabot daw sa pagsusuntukan ng dalawang aktor.
Damay din daw sina JK at Richard dahil lumapit din umano ang mga ito sa dalawang aktor para ipagtanggol ang mga kaibigan.
Si JK ay ipinagtanggol si Kyle habang si Richard naman ay dinepensahan si DJ.
May nabasa rin kaming si Daniel ang nagsimula ng gulo at naghamon ng suntukan diumano kay Kyle.
Iba rin naman ang kwento ng sources ni Cristy Fermin na ibinalita niya sa kanyang show kahapon.
Ayon sa kanyang mga source ay nananahimik si Daniel nang biglang lumapit si Kyle.
“Meron silang pinag-usapan na parang tumigas ‘yung salita nu’ng Kyle kay Daniel. Tahimik si Daniel, ha?” kwento ni ‘Nay Cristy.
“May umaali-aligid, si JK Labajo, si JK. Panguso-nguso na para bang ‘upakan mo na, upakan mo na!’ Parang ganu’n. Miron. Ang nangyari, nakita ni Richard Gutierrez ‘yung ginagawa ng dalawa kay Daniel na nananahimik.
“Anong inaasahan mo na gagawin ni Richard? Natural, aawat, ‘di ba?” dagdag ng batikang host/writer.
Pagpapatuloy pa niya, “Alam mong ginawa sa kanya ni JK Labajo? ‘Bakit ka nandito? Anong guso mo?’ Ay… hinamon ng suntukan. Ang tapang!”
Pero at that point ay nagdatingan na raw ang mga security guard at inawat ang mga aktor.
Ayon kay ‘Nay Cristy, naganap ang insidenteng ‘yun sa ballroom pa lang ng Solaire Resort North kung saan nga ginanap ang ABS-CBN Ball. Pero nagtuloy pa umano ang pagkakainitan ng mga aktor hanggang sa taas, sa Sky Bar.
Sey pa niya, ang nanay ni Chard na si Annabelle Rama ay nasa Sky Bar nang mabalitaan ang gulong kinasangkutan ng anak.
Nagsi-akyatan na raw sa Sky Bar ang ibang mga artista kabilang na nga sina JK, Kyle, Daniel at Richard.
“Ang bilis daw ng pangyayari ayon sa aking source. Nakalusot ‘yung JK Labajo, lumapit kay Richard Gutierrez at kunwa-kunwaring nagso-sorry pero pangisi-ngisi. Hinamon ulit si Richard.
“O, di nakita niya ang gusto niyang makita, ‘di ba? O, nasapol siya sa may ulo, nasapol siya,” tsika ni ‘Nay Cristy.
Sey naman ng co-host niyang si Romel Chika, “Ay, nagpang-abot talaga din!”
Sabi naman ulit ni CSF, “Oo, eh natural, na-off balance pa nga si Richard, si Tita Annabelle nga, napaupo pa du’n sa kanyang silya. Ang bilis ng pangyayari dahil tumakbo raw ‘yung JK Labajo pagkatapos ng gulo na ‘yun. Nasagasaan niya si Tita Annabelle. ‘Yun ang kwento.”
Sa pagkakakilala raw niya kay Richard ay hindi ito nagsisimula ng gulo pero ‘wag mong hahamunin at hindi ka uurungan.
“Si Daniel Padilla, may nalaman ka na rin ba na naghamon ng away ‘to? Kahit galing siya sa pamilya Padilla. Wala. Hindi siya starter,” sey naman ni ‘Nay Cristy kay DJ.
Nabanggit din ng veteran writer/host na labas si Kathryn sa usaping ito at hindi totoong nagselos si Daniel sa paghawak-hawak ni Kyle sa aktres.
“Alam mo, Romel, ni hindi nga tinitingnan at hinanap ni Daniel si Kathryn kung nasaan. Sa lawak ng lugar na ‘yun, hindi nga niya nakita at wala siyang pakialam kung ano nagaganap, kung nagyayakapan man sila do’n o ano. Wala, wala. Kaya nga dito, out si Kathryn dito,” sey pa ni CSF.
Samantala, hanggang ngayon ay tahimik pa rin ang mga aktor na nasasangkot hinggil sa isyung ito.
Bukas ang People’s Tonight para sa kanilang mga pahayag at paglilinaw.