KATAKUT
Mga senador naalarma sa plano umanong tumakbo sa 2025 elections ni Alice Guo
NAGPAHAYAG ng matinding pagkabahala ang ilang senador sa planong pagtakbo ni Alice Guo sa darating na halalan sa 2025, lalo na dahil sa mga isyu na may kaugnayan sa kanyang pagkakakilanlan at kwalipikasyon.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, bagamat karapatan ng bawat Pilipino na tumakbo para sa pampublikong posisyon, ang pribilehiyong ito ay para lamang sa mga tunay na mamamayan ng Pilipinas.
Binigyang-diin ni Estrada na kinakailangang sundin ng mga kandidato ang mga itinatakdang batas upang masiguro na hindi maliligaw ang mga botante at upang maprotektahan ang integridad ng halalan.
“Karapatan ng kahit na sinong Filipino ang iprisinta ang sarili sa taumbayan para manilbihan bilang isang lingkod bayan,” ayon kay Estrada, na nagpaalala na tanging mga kwalipikadong Pilipino lamang ang dapat pahintulutang tumakbo sa pampublikong posisyon.
Bukod kay Estrada, nagpahayag din ang iba pang mga senador ng kanilang pagkabahala.
Ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero, bagamat tungkulin ng Commission on Elections (Comelec) na tanggapin ang lahat ng certificate of candidacy (COC), may mga proseso upang mapigilan ang hindi kwalipikadong kandidato sa pagtakbo.
Dagdag ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel, may mga paraan upang harapin ang mga hindi kwalipikadong kandidato pagkatapos ng halalan.
Sa isang hiwalay na pahayag naman, tahasang ipinahayag ni Senador Joel Villanueva ang kanyang pagkadismaya sa kandidatura ni Guo, partikular na sa kanyang mga isyung legal at pagkakakilanlan.
Binanggit ni Villanueva ang isang nakabinbing kaso ng misrepresentation mula sa pagtakbo ni Guo bilang mayor noong 2022.
“Hindi na po maitatangging pekeng Pilipino itong si Guo Hua Ping — pineke ang ginamit niyang birth certificate at maging ang kanyang mga fingerprint,” ani Villanueva, at idinagdag pa na kinumpirma na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pandaraya mismo nito.
Kinondena rin ni Villanueva ang kaugnayan ni Guo sa mga Philippine offshore gaming operator (POGO) at binatikos ang kanyang diumano’y kawalang-galang sa mga batas ng bansa.
Base naman sa ulat, nilinaw ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na hindi maaaring awtomatikong ibasura ng komisyon ang kandidatura ni Guo hangga’t walang desisyon mula sa korte.
Si Guo ay humaharap sa ilang kaso, kabilang ang graft at human trafficking, ngunit hindi pa ito nagiging dahilan upang hindi siya makapaghain ng kandidatura.
Ang kaso ni Guo ay umani ng malaking atensyon mula sa publiko, kung saan nananawagan ang mga senador at ilang pinuno ng mga ahensiya ng gobyerno na maging mapagbantay upang mapanatili ang integridad at pagiging patas ng eleksyon, lalo’t posibleng gamitin ng ilan sa sinasabing mga sindikato ang kanilang pera para maimpluwensiyahan ang darating na halalan.