Default Thumbnail

Kaso vs sibak na LTO official ikinakasa na

May 30, 2024 Chona Yu 165 views

INATASAN ng Palasyo ng Malakanyang ang Land Transportation Office (LTO) na kasuhan na ang nasibak na opisyal nito.

Base sa tatlong-pahinang memorandum ng Office of the President na may petsang May 29, 2024, kinumpirma ni Atty. Floreida Apolinario ng 8888 Citizen’s Complaint Center (8888 CCC) kay Strategic Action and Response (STAR) office Assistant Secretary Gabriel Lorenzo Ignacio na natanggap na nila ang mga reklamo laban kay dating LTO Region IV-A Regional Director Cupido Gerry Asuncion.

Sinabi ni Apolinario na noong Marso 8 ay isinumite ng complaint center ang letter-complaint sa Investigative and Adjudicatory Division ng Office of the Deputy Executive Secretary for Legal Affairs (ODESLA).

Nabatid na ang ODESLA ang naatasang magsagawa rin ng imbestigasyon laban kay Asuncion.

Inendorso naman ang mga reklamong ito sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) habang naipadala na rin ito sa LTO subalit wala umanong aksiyon ang ahensya hinggil sa tatlong complaints laban sa dating opisyal.

Binanggit sa isang anonymous complaint na naghihingi ang kampo ni Asuncion sa mga operator ng mga colorum vans ng P1,000 kada buwan bilang payola na sinasabing regular na kinukuha ng mga personnel ng LTO gamit ang isang LTO-marked vehicle.

Sa isa pang reklamo, isiniwalat ng isang Ronald Lee Basbas na tinulugan ng tanggapan ni Asuncion ang reklamo niya hinggil sa registration ng kanyang motorsiklo na inendorso pa ng Department of Trade and Industry (DTI) sa LTO Region IV-A.

Ibinunyag pa sa memo ni Apolinario na bigo ring maglabas ng show cause order si Asuncion laban sa dealer kung saan binili Bastas ang motorsiklo kahit na aniya’y malinaw na paglabag sa mga direktiba ng LTO ang matagal na pagkaantala ng resibo at certificate of registration ng naturang sasakyan.

AUTHOR PROFILE