Kasambahay natagpuang patay sa kusina

August 24, 2022 Jonjon Reyes 187 views

PALAISIPAN pa rin sa mga awtoridad ang sanhi nang pagkamatay ng isang 35-anyos na kasambahay makaraang matagpuan na nakahandusay sa kusina ng pinaglilingkurang bahay sa Sta. Mesa, Maynila iniulat ng pulisya.

Ang biktima ay kinilalang si Mariatess Acebuche, tubong Samar at stay-in sa Sta.Mesa

Batay sa ulat ni Det. Jero Santos na isinumite kay P/Lt. Dennis De Jesus, hepe ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, bandang 9:30 a.m. nang madiskubre ng isang bibisita sana sa kanyang lola ang wala nang buhay ng biktima na nakahandusay sa sahig ng kusina.

Kumatok muna ang bisita sa bahay ng kanyang lola pero walang nagbubukas ng pinto, kaya naisipan nito na magpunta sa likod ng bahay at nasilip umano nito ang kasambahay na nakahandusay na.

Agad nitong ipinagbigay alam sa nakakasakop na barangay at saka sapilitang dinistrungka ang pinto para mausisa ang nangyari sa biktima.

Inireport nila ito sa tanggapan ni PLt. Col. Dionelle Brannon, commander ng MPD Sta. Mesa Police Station 8 saka iniutos nito na ikordon ang lugar at ipinagbigay alam sa homicide section.

Pansamantalang inilagak sa Cruz Feneral Morgue ang labi ng kasambahay para sa kaukulang awtopsiya.

AUTHOR PROFILE