Karnaper Iniharap kay P/Maj. Pidencio Saballo Jr. (kaliwa) ang suspek sa pag-carnap ng motorsiklo kay MPD Stn. 3 Commander P/Lt. Col. Jonathan Villamor matapos na maaresto sa Norzagaray, Bulacan at mabawi ang kinarnap na motorsiklo. Kuha ni Jon-jon Reyes

Karnaper ng motorsiklo tiklo sa Bulacan

July 20, 2022 Jonjon Reyes 425 views

NATIMBOG ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) Station 3 ang isang suspek na karnaper at diumano’y miyembro ng “Bahala na Gang” sa isinagawang follow-up operation ng mga pulis Maynila sa Bulacan.

Inaresto ang suspek matapos nito tangayin ang isang motorsiklo na pag-aari ng isang graphic artist sa Maynila at natunton ito sa Norzagaray, Bulacan umaga nitong Martes.

Ang suspek ay taga-Recto Avenue, Bgy. 310 Sta. Cruz, Maynila at narekober sa kanyang pinagtaguan ang motorsiklo sa nasabing lugar sa Bulacan.

Bago masakote ang suspek, dumulog sa tanggapan ni P/Lt. Col. Jonathan Villamor, bagong commander ng MPD Police Stn. 3, ang complainant na graphic artist, residente ng LRC Compound, Bgy. 310 Sta.Cruz, Maynila.

Ayon sa biktima, nitong Hulyo 17, 2022, pasado alas-2:00 ng hapon nang mawala ang kanyang motorsiklong Honda Click na kulay itim at pula matapos iparada nito sa labas ng kanilang tahanan.

Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, natukoy ang nahuling suspek na siyang responsable sa pagtangay ng motorsiklo.

Dahil sa impormante, nalaman ang pinagtataguan ng suspek sa Norzagaray at inatasan ni P/Lt. Col. Villamor ang kanyang mga kapulisan na puntahan ang lugar sa pangunguna ni P/Maj. Pidencio Saballo Jr. at P/Lt. Felixberto Tiquil ng District Anti-Carnapping Unit( DACU) at agad naaresto ang suspek.

Nabawi naman sa suspek ang ninakaw na motorsiklo na nagtutugma sa mga dokumento matapos maibenta ito sa kanilang kapitbahay sa Bulacan.

Pinuri at pinasalamatan naman ni MPD Director Brig. Gen. Leo “Paco” Francisco ang patuloy na kampanya sa pagsugpo sa kriminalidad sa Lungsod ng Maynila.

AUTHOR PROFILE