Allan

Karapatan ng pet owners

September 11, 2024 Allan L. Encarnacion 113 views

WALA namang isyu at lalong wala namang masama kung maraming mga tao ang nagmamahal sa kanilang mga pet dogs.

Hindi rin masama kung mas gusto mo pang katabi ang iyong alagang aso kaysa sa iyong asawa dahil nga nasa iyo naman ang karapatan kahit pa kasabay mo pa siyang kumain or maligo.

Puwede mo rin siyang itali or pakawalan sa loob ng iyong bahay at bakuran. Kahit pa ipaghanda mo pa siya ng bday bash dahil sa pagiging ganap na aso mula sa pagiging isang tuta.

Lahat yan ay nasa iyong kalayaan basta ang importante, nasa loob ng iyong tahanan at bakuran. Pero kapag lumabas ka na inyong bahay, ibang usapan na iyon. May komunidad at may mga tao ka nang nang isasaalang-alang.

Kapag kumain ka na sa restaurant or mag-ikot ka sa malls or walking lang kayo sa parke at inyong mga komunidad, dyan na natatapos ang una: absolute freedom ng amo at absolute freedom ng iyong alagang aso.

Kailangan mo na siyang itali, kailangan mo na siyang kontrolin at kailangan mo na ring ikunsidera ang lugar na iyong pupuntahan.

Marami-rami na rin naman akong naging aso mula pa pagkabata. May askal noon na aspin na ngayon at may mga breed. Nagkaroon na ako ng pitbull na maharot lang, biegle na mahinhin at iba pang lahi ng aso. Pero isa lang palagi ang pamantayan ko, aso ko, kargo ko.

Dahil may alaga akong aso, dapat responsable ako. Aminin natin, maraming gustung-gusto ng aso pero iresponsable naman, hindi tinatali, pinaeebak kahit saan at walang pakialam kahit makakagat ng kapitbahay. Ang mga ganyang amo ang dapat itinatali kung hinayaan din lang niya ang kanyang aso na magkalat ng dumi at maging banta sa komunidad.

Ang isyu ng hindi pagpapasok sa restaurant ng isang aspin ay dapat bumukas ng usapin at magbigay ng school of thought sa ating lahat. Naniniwala akong marami na ring pet owners ang hindi alam ang kanilang ginawa at iresponsable sa ibang aspeto.

Una, kahit sabihin nating nagpapasok ng pet dogs ang ibang restaurant, dapat ikunsidera rin natin ang ibang dining guests na ayaw ng may aso sa kanilang paligid habang kumakain. Pangalawa, kahit sabihin mong mabait ang aso mo, hindi makukumbinsi ang ibang customer na safe sila habang kasama nila sa loob ang iyong alaga.

Kahit nga sa mga malls, kung minsan, nag-aaway ang iba’t ibang aso nagkakasalubong. Bukod sa lumilikha ng ingay, ang mga balahibo nila ay umaalipato kung saan-saan.

Ang suhestiyon natin sa mga malls, kung magpapasok sila ng pet dogs, dapat ay may sariling wing o bukod na lugar lang ang puwede nilang ikutan. Parang smoking area, na ibunubukod, doon lang sila sa nakabukod na bahagi ng malls para maging considerate rin sa ibang paying customers na ayaw ng may pet dogs sa kanilang paligid.

Kahit sa mga restaurant, okey lang papasukin ang amo na may pet dogs pero dapat bigyan sila ng isang space na doon lang puwede mag-dine in ang mga may dalang hayup. Imagine kung humihigop ka ng mainit na sabaw or kape tapos iyong katabi mong table ay biglang kakawag or magpapagpag ng katawan ng aso, prone din ang mga balahibo niyan na mapunta sa iyong kinakain or masinghot.

Ang nangyayari sa atin ngayon, nagiging sensitibo tayo sa mga may dalang pet dogs pero nakakalimutan natin ang kapakanan ng mas marami na puwedeng may peligrong makagat or maliparan ng mga balahibo sa pagkain.

Hindi na rin lang maiiwasan na magdala ng pet dogs ang ibang mga kababayan natin, dapat siguro magkaroon ng mga local ordinance na magtatakda ng bukod na dining area at mall area sa mga may dalang pet dogs para nairerespeto rin ang kanilang karapatan.

And please, huwag nyo namang tanggalan ng tali kapag nasa mga public area. Sigurado kaming hindi nangangagat ang amo pero hindi kami siguro sa inyong mga alagang aso! Kahit ano pang ganda at lahi ng inyong aso, hayup pa rin yan!

[email protected]