
Karapatan ng di tradisyunal na pamilya, bibigyang boses sa Kongreso
SA isang bansa kung saan nangingibabaw ang tradisyonal na konsepto ng pamilya, isang bagong partido ang nagsusulong upang bigyang-pansin ang mga di-tradisyunal na pamilyang Pilipino.
Ang Pamilya Ko Party-list, sa pangunguna ni Atty. Aeneas Eli Diaz, ay naglalayong isulong ang mga batas na magbibigay ng pantay na karapatan at proteksyon sa iba’t ibang uri ng pamilyang Pilipino—mga pamilyang madalas na hindi nabibigyan ng sapat na pansin sa kasalukuyang mga polisiya.
Upang katawanin ang mga pamilyang kanilang isinusulong, ipinakilala ng Pamilya Ko Partylist ang akronim na LOVABLES na Live-in partners, OFW families, Victims of domestic violence, Adoptive at orphaned families, Blended families, LGBTQUA+couples, Elderly case providers at Solo/single parents.
Ayon kay Diaz, ang mga pamilyang ito ay dumaranas ng iba’t ibang hamon, mula sa mga isyu ng mana at ari-arian hanggang sa karapatan sa desisyong medikal at dahil sa kakulangan ng batas, marami sa kanila ang walang legal na proteksiyon.
Pangunahing isusulong ng Pamilya Ko Party-list ang Domestic Partnership Law, na layong bigyan ng legal na pagkilala ang pagsasama ng live-in partners, kabilang ang LGBTQIA+ couples upang magkaroon sila ng karapatan sa mana, shared property management, at decision making.
Isusulong din nila ang mas epektibong pagpapatupad at pondo para sa Solo Parents Welfare Act lalu’t marami sa kanila ang nahihirapang makakuna ng benepisyo dahil sa kakulangan ng budget kaya kailangang maisama ito sa pambansang alokayon ng pondo.
“Ang laban na ito ay hindi lang para sa amin, kundi para sa bawat pamilyang Pilipino na kailangang marinig,” ani Diaz.