Default Thumbnail

Karagdagang atraksiyon sa Manila Clock Tower asahan

June 11, 2023 Edd Reyes 218 views

NAGPASA ng resolusyon ang Sangguniang Panlungsod na nagpapahintulot kay Mayor Maria Sheilah “Honey”Lacuna-Pangan na puimasok sa kontrata, sa pamaagitan ng public bidding, sa mga pribadong kompanya na interesadong umupa sa malawak pang espasyo sa Manila Clock Tower Museum.

Sinabi ni Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto, na siyang nanguna sa regular na sesyon ng Konseho noong Hunyo 8, araw ng Huwebes, na ang resolusyon ay naglalayong magamit pa ang mga bakanteng espasyo sa lugar sa pamamagitan ng paglalagay ng iba pang atraksiyon na makakahimok sa marami upang bumisita sa museo.

Bilang may-akda ng resolusyon, sinabi n 3rd District Councilor Ernesto “Jong” Isip na siya ring Majority Leader, na binibigyang pahintulot sa ilalim ng Local Government Code of 1991 ang alkalde na pumasok sa kontrata sa ngalan ng lokal na pamahalaan, basta’t may pahintulot dito ang mga miyembro ng Sanggunian.

Ang Clock Tower Museum ang pinakabagong atraksiyong pang-turista sa Maynila, na kinukunsidera bilang napakahalagang kultura at pang-industriyang melting pot sa Southeast Asia.

Ang naturang museo, na matatagpuan sa gusali ng Manila City Hall, ay may kabuuang pitong palapag na may 200 hakbang paakyat kung saan dito rin matatapuan ang pagtatanghal ng mga obra-maestra na nilikha ng mga bantog na pintor mula sa iba’t-ibang panig ng bansa na pinapalitan kada buwan. Itinatanghal din dito ang Battle of Manila na naganap noong ikalawang digmaang pandaigdig.

Pinasinayahan ito ni Mayor Lacuna-Pangan noong Oktubre 2022 at kasalukuyang pinamamahalaan ng Department of Tourism, Culture, and Arts of Manila (DTCAM) na pinamunuan ni Director Charlie Dungo. Kasama sa plano rito ang pagkakaroon ng mga souvenir at coffee shops at iba pang lugar na puwedeng pagpahingahan ng mga bisita at inaasahan din ang pagsasalin ng mga lengguahe upang higit na maintindihan ng mga dayuhang turista.

Libre at bukas sa publiko ang museo mula Lunes hanggang Biyernes ng mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon. Bagama’t kailangan pa rin ang maagang pagpapatala, pahihintulutan muna ang mga gustong pumunta ng hindi na kailangan pang magpatala ngayon buwan lamang ng Hunyo bilang paggunita sa Araw ng Maynila.

AUTHOR PROFILE