‘Karagatan sa kalunsuran’

July 26, 2021 Joey C. Papa 64 views

WALANG tigil ang pag-ulan habang isinusulat ito. Halos lahat ng balita sa telebisyon ay mga lubog sa bahang kalsada, bukirin at maging taniman sa kabundukan ay sinalanta rin ng habagat.

Muli ay nagmistulang karagatan na naman ang buong Luzon samantalang sa Mindanao ay sobrang maalinsangan o mainit daw ayon sa aking kaibigan na doon nakatira.

At ang langit ay tila di lamang lumuluha kundi humahagulgol na pag-iyak kung kaya napakaraming luha ang ibinuhos na nito sa kalupaan.

Siyam -siyam ang matagal nang tawag sa ganitong sama ng panahon.

Maraming buhay at bahay ang nasira, may mga pagguho ng lupa. Mga tanim na kailangan nang anihin kundi’y mabubulok ang mga ito. May isang samahan na “tumutulong” sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbili ng kanilang mga produkto ang hindi ‘umano makapasok sa lugar ng mga taniman.

Taon-taon, habang lumalala ang climate change o pabago-bagong klima, ganito lagi ang sinasapit ng mga Pilipino. Lumubog sa baha ang mga komunidad nila, nawasak ang mga bahay, nasira ang mga pananim at may nasasawi pang mga buhay.

Napakabigat ng hamon sa ating mga Pilipino ngayon na nasa masamang lagay pa ng covid 19 pandemic, kahirapan, climate change at korapsyon.

Nagpatong-patong ang mga problemang ito. Panay pa ang taas ng presyo ng mga produktong petrolyo, gasolina, diesel at kerosene. Magtataas ng pitong sunod-sunod na linggo at magbababa ng karampot na presyo ng isang beses lamang upang may pakonswelo de- bobo, ‘ika nga. Pagkaraan, linggo-linggo na muli ang pagtataas ng presyo nito. Masahol pa ito sa pandemic!

Ang Covid-19 at climate change ay parehong pandemic. Ang patuloy na paglala ng nasisirang Inang Kalikasan ay hindi na biro maging sa buong mundo. Matindi lamang ang sinasapit ng Pilipinas dahil ang arting bayan ay napaliligiran ng karagatan at kapag natutunaw ang mga yelo sa malalamig na bansa, tumataas ang karagatan at walang ibang pupuntahan ito kundi ang kalupaan.

Matagal nang ganito ang kalagayan ng Pilipinas at matagal na ring umaapila ang iba’t ibang samahan ng mga environmentalist at civil society sa mga bansang patuloy pa ring gumagamit ng coal sa halip na renewable source of energy na hindi nakasisira ng Kalikasan.

Sa tuwing tag-init, napakainit na sa Pilipinas. Nakapapasong init sa balat. Pagsapit ng tag-ulan nagiging “karagatan naman ang mga kalupaan.” Pahirap ito sa buhay ng mga Pilipino at sa kabuuang ekonomya ng ating bansa.

Maraming sakit ang dulot ng patuloy na sinasalantang kalikasan sa lahat nang may buhay. Maging ang buhay ng mundo ay nanganganib na.

AUTHOR PROFILE