Crime

KAPITAN BINARIL NA SINAKSAK PA, DEDO

July 8, 2023 Gemi Formaran 396 views

SARIAYA, Quezon – Patay ang isang barangay chairman matapos itong pagbabarilin at pagsasaksakin ng isang lasing na kanyang napagsabihan sa gitna ng isang basketball league noong Biyernes ng gabi sa Barangay Guis-Guis, San Roque sa bayang ito.

Nalagutan ng hininga habang ginagamot sa ospital si Benedicto Robo, 62, kapitan ng nasabing barangay, dahil sa mga tinamo nitong mga sugat, wika ni Quezon police director Col. Ledon Monte.

Kinilala ni Monte ang suspek na si Marvin Flores, alyas Pong-Pong, 46-anyos na taga- Bgy. Bignay 2 sa Sariaya.

Mabilis itong tumakas dala ang ginamit na baril at patalim.

Bago ang insidente, pinagalitan umano ng kapitan ang suspek dahil sa hindi magandang inasal nito habang nanonood ng laro.

Sinabi ni Major Romar Pacis na naganap ang insidente dakong 11:15 p.m. habang ginaganap ang liga.

Ayon kay Pacis, sinundan ng suspek ang kapitan nang lumabas ito ng palaruan para bumili ng siopao.

Habang kumakain ang kapitan, nilapitan umano ito ng suspek at sumigaw ng, “Kapitan, bakit mo ako minura?” at sabay bunot ng cal. 9mm pistol at pinaputukan ang biktima ng apat na beses.

Sa kabila ng mga sugat na tinamo, nagawa pa umanong makatakbo ng kapitan ngunit nadapa ito.

Hindi pa nakuntento, sinundan pa umano ito ng suspek at sinaksak sa likod at sa dibdib bago tumakas.

Kasalukuyan siyang tinutugis ng mga awtoridad.

Naniniwala ang pulisya na bukod sa alak ay lulong din sa droga ang suspek.

AUTHOR PROFILE