Kathniel

Kapamilya teleserye stars, sanib-pwersa para sa mga biktima ni Odette

March 5, 2022 Ian F. Fariñas 426 views

Nagpatikim sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo ng kanilang inaabangang serye na 2 Good 2 Be True pagkatapos maglabas ng behind-the-scenes na mga litrato at ibahagi ang ilang mga detalye tungkol sa kanilang mga karakter.

Ayon kay Daniel, gagampanan niya rito si Eloi, isang masipag na mekaniko at law student. Dahil sa isang mahalagang misyon, makikilala ni Eloi ang isang madiskarteng nurse na si Ali, na ginagampanan naman ni Kathryn.

Ibinahagi ito ng KathNiel sa Kapamilya Family Date Nights benefit series, ang pagpapatuloy ng 100 araw na fundraising na “Tulong-Tulong sa Pag-ahon: Isang Daan Sa Pagtutulungan” ng ABS-CBN at ABS-CBN Foundation.

Bukod sa KathNiel, inaabangan din ang MMK host na si Charo Santos at iba pang Kapamilya stars mula sa iba’t ibang programang napapanood ngayon at paparating sa primetime upang magbigay ng good vibes habang tumutulong sa mga biktima ng bagyong Odette.

Mula Pebrero 28 hanggang Marso 9, makakasama ng fans sa iba-ibang gabi ang stars ng Viral Scandal, 2 Good 2 Be True, Darna at MMK sa FYE Channel sa Kumu, ABS-CBN Entertainment YouTube channel, ABS-CBN Facebook page, iWantTFC at SKYcable ch. 955 and SD ch. 155.

Para sa unang araw ng “2 Good Familya Fun Ka2waan” ng Kapamilya Family Date Nights, nakisaya ang mga lalaki ng 2 Good 2 Be True na sina Daniel, Ronaldo Valdez, Matt Evans, Yves Flores, Smokey Manaloto, Hyubs Azarcon, Romnick Sarmenta, at Cris Villanueva.

Sumabak sila sa iba’t ibang laro tulad ng “Who’s Most Likely To?” at “Never Have I Ever,” at ni-reveal din nila ang kani-kanilang hidden talents.

Samantala, para sa unang tatlong gabi ng Kapamilya Family Date Nights, sumabak sa masayang karaoke challenge na “Viral Family Karaoke Nights” ang cast ng Viral Scandal na sina Dimples Romana, Charlie Dizon, Karina Bautista, Aljon Mendoza, Miko Raval, Louise Abuel, Joshua Garcia, Aya Fernandez, Vance Larena, Jameson Blake, Jake Cuenca, Maxene Magalona, Kaila Estrada, Jong Cuenco at Markus Paterson.

Bukod sa nalikom nilang donasyon mula sa mga nanood ng “Viral Family Karaoke Nights,” nag-donate rin ang Viral Scandal ng P100,000 para sa home repair kits para sa mga sinalantang pamilya.

“Sa lahat ng pamilyang may pinagdadaanan ngayon, sana maramdaman niyo ang init ng pagyakap namin dahil hindi po kayo nag-iisa. Andito po kami para sa inyo. Sa kabila ng lahat ng hirap na pinagdadaanan natin, dahil Pilipino tayo, we can do this,” ani Dimples.

Sa mga susunod na gabi, makakasama ang cast ng Mars Ravelo’s Darna para sa “Ultimate FamGames” mula ngayong Marso 6 hanggang 8, at sina Charo, Karina at Aljon para sa “Family Kilig Campaign” ng MMK at Viral Scandal sa Marso 9.

Sa mga gustong makatulong, maaaring mag-avail ng Tulong Vouchers sa Lazada at Shopee para sa karagdagang home repair kits sa mga naapektuhang pamilya.

Para sa iba pang impormasyon at paraan sa pag-donate, pumunta lang sa foundation.abs-cbn.com o i-follow ang ABS-CBN Foundation sa Facebook, Twitter, at Instagram.

AUTHOR PROFILE