Default Thumbnail

Kanselahin ang prangkisa ng NGCP!

June 14, 2021 Allan L. Encarnacion 462 views

Allan EncarnacionPANAHON na talaga para pasukan ng gobyerno ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) kung ayaw na nating maulit ang kumukutikutitap na serbisyo ng kuryente.

Tama lamang ang panukala ng Department of Energy na amyendan ang prangkisa ng NGCP para magkaroon ng pakialam ang pamahalaan sa anumang sistemang nangyayari sa power distribution.

Sa isang banda, wala namang mas mataas pa sa public interest kaya nasa kapangyarihan ng estado na sakupin at kontrolin ang alinmang pribadong kompanya kapag ang nakataya na ay ang kapakanan ng publiko.

Nakita na natin sa mga nakaraan kung gaano kapalpak ang NGCP sa power management kasi sobrang mahal na nga kuryenteng binabayaran ng mga consumers, pupugak-pugak pa ang serbisyo.

Ang mabigat dito sa NGCP, parang palos na nakakalusot sa pananagutan gayong noong 2019, aabot pala sa 21 cases ng rotating brownouts ang nangyari, 10 cases noong 2020 at tatlong sunod nitong January hanggang March. Hindi pa kasama rito April at May brownout ngayong taon.

Nanawagan tayo kay DOE Secretary Alfonsi Cusi na gamitin na ang kanilang kapangyarihan para kanselahin ang prangkisa ng NGCP bago pa maghari ang kadiliman sa buong bansa.

Isipin nating mabuti kung anong pinsala ang idinulot ng kapalpakan ng NGCP sa serye ng pagkawala ng kuryente. Bagsak na nga ang ekonomiya dahil sa pandemic, naputulan pa ng power supply! Hindi ba’t double blackeye kay Juan dela Cruz ito?

Siguro habang nasa proseso ng pagbusisi sa prangkisa ng NGCP, dapat ding silipin ang plantilla ng mga opisyal nila dahil ang balita natin, mas malaki pa ang sinasahod ng iba sa kanila kumpara sa monthly salary ni Chinese President Xi Jinping.

Ang 40% ng NGCP ay pag-aari ng Chinese company na hindi rin malayong dummy lang ng Chinese government.

Parehas na parehas naman, busog na busog ang mga taga-NGCP at maliwanag ang kanilang buhay pero ang mga kababayan natin ay nangangapa sa dilim.

Hindi dapat maging proteksiyon ng NGCP ang hawak nilang prangkisa para makaligtas sa pananagutan.

Kung may kailangang kasuhan sa NGCP, dapat gawin na ngayon ng pamahalaan bago matapos ang termino ng Duterte administration para may makulong naman sa nangyaring gross negligence at mistulang economic sabotage!

[email protected]