Kampanya vs lotteng, jueteng pinaigting sa Caloocan City

January 23, 2022 People's Tonight 164 views

APAT na kababaihan na sangkot sa ilegal na sugal ang nadakip ng pulisya Sabado ng gabi sa pinaigting na kampanya laban sa lotteng, jueteng at EZ-2 na namamayagpag sa Caloocan City.

Unang nadakip ng mga tauhan ng Caloocan City police sa ilalim ng pamumuno ni P/Col. Samuel Mina si Emilda Quimbo, 56, ng Barrio Sta Rita, South, Brgy. 188 Tala bago mag-6 p.m. habang nasa akto ng pangungubra ng taya sa sugal na jueteng sa mismong harapan ng kanyang bahay.

Nakuha kay Quimbo ang listahan ng taya o papelitos, P1,020 na pusta at dalawang ballpen na gamit niya sa pangungubra.

Dakong 8 p.m. nang maaresto naman ng mga tauhan ng Caloocan police Sub-Station 13 sa pangunguna ni P/Maj. Jansen Ohrelle Tiglao sa Phase 7C, sa tabi ng Pasay Court, Brgy. 176 Bagong Silang sina Marliza Tamparong 36 residente ng CBY Barracks II, Brgy. 185 at Fatima Sabiaga, 26 na itinuturong “kabo” ng ilegal na jueteng.

Ayon kay Mina, unang nadakip si Tamparong habang nasa akto nangungubra ng taya sa sugal na jueteng habang sa follow-up operation ay nadakip naman si Sabiaga makaraang ituro na pinagpapasukan ng kubransa ng mga kumbrador ng ilegal na jueteng.

Pinakahuling nadakip naman ng pulisya si Junelyn Encinas, 41, ng Galanto Compound, Brgy. 162 na gamit naman ang STL (Small Town Lottery) card sa pangungubra ng ilegal na sugal matapos mahuli sa akto sa Aquino St. Brgy. 172 dakong alas-8:50 ng gabi.

Bukod sa STL card, nakuha ginang ang pustang P1,500 na ipinapasok niya sa hindi pa natukoy na illegal gambling operator.

Napagalaman na nakukuha sa resulta ng legal na bolahan ng STL, Lotto at EZ-1 ang ilegal na tayaan ng jueteng at lotteng na may nakapirming halaga ng premyo kaya’t ang malaking bahagi ng kubransa ay hindi napupunta sa gobyerno kundi sa mga illegal gambling operators na may pakana ang lotteng, jueteng at EZ-1.

AUTHOR PROFILE