
Kampanya ng BOC vs cash smuggling nakatulong maalis PH sa ‘dirty money’ grey list
NAKATULONG ang kampanya ng Bureau of Customs (BOC) laban sa cash smuggling sa pag-alis sa Pilipinas mula sa grey list ng Financial Action Task Force (FATF).
Ang ginawa ng BOC na pagpapakalat ng mga cash-sniffing dogs, mas maigting na baggage scanning system at pagpapataas ng antas ng kakayanan ng mga tauhan ay nagresulta sa 194 cash seizure noong 2024.
Noong Pebrero 21, 2025, inanunsyo ng FATF na wala na ang Pilipinas sa grey list ng FATF kasabay ng pagkilala nito sa mga hakbang na ginawa ng gobyerno upang hindi makapasok sa bansa ang mga pera mula sa mga iligal na gawain.
Sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio, nakompleto na ang pagpasok ng customs clearance sa eTravel system, kaya mas nababantayan ng mga otoridad ang cross-border cash movements.
Bukod sa mga baggage scanning equipment, naglagay din ng mga cash-sniffing dog ang BOC sa mga pangunahing ports upang matukoy ang mga hindi idineklarang pera na ipinapasok at inilalabas sa bansa.
Isinailalim din sa pagsasanay ang mga tauhan ng BOC upang tumaas ang antas ng kakayanan ng mga ito kasabay ng pagpapaigting ng intelligence-sharing ng ahensya sa Department of Information and Communications Technology, Philippine Coast Guard, Office of Transportation Security, Department of Justice, at Anti-Money Laundering Council.
Ang pagtanggal sa Pilipinas sa grey list ng FATF ay magbibigay ng kumpiyansa sa mga dayuhan na mamuhunan sa bansa at mas magiging mabilis ang pagproseso ng remittance ng mga overseas Filipino workers.