Default Thumbnail

Kampanya laban agricultural smuggling pinaigting ng BoC

August 7, 2022 People's Tonight 258 views

Vic ReyesKAILANGAN talagang masawata ang agricultural smuggling sa bansa para sa kapakanan hindi lang ng mga milyung-milyong magsasaka kundi maging ng mga mamimili.

Nawawalan ng kita ang mga magsasaka dahil sa pagdagsa ng mga puslit na produktong agrikultura, kagaya ng mga gulay, na ipinagbibili sa merkado ng napakamura.

May mga lugar nga sa bansa na itinatapon na lang sa gilid ng kalsada ang mga nabubulok nilang kamatis dahil sa kawalan ng kustomer kasi nga mas mabili ang mga imported.

Kaya mabuti na lalo pang pinaigting ng Bureau of Customs (BOC), sa pangunguna ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz, ang kanilang kampanya laban sa agricultural smuggling.

Isa sa mga marching order ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. kay Commissioner Ruiz ay ang pagtugis sa mga ismagler ng mga produktong agrikultura.

Alam kasi ng taumbayan na pagsabotahe sa “food production program” ng gobyerno ang pagdagsa ng mga puslit na agricultural products sa Pilipinas.

Talagang mag-iiba ng trabaho ang mga magsasaka dahil magugutom naman ang kanilang mga pamilya kung lagi na lang silang lugi.

Mabuti na lang at laging alerto ang mga taga-BOC para hindi makapasok sa bansa ang mga puslit na produktong agrikultura na kagaya ng gulay, carrot, patatas at isda.

Noong nakaraang linggo ay nakasakote ang mga tauhan ng BOC-Port of Cagayan de Oro ng anim na container vans na naglalaman ng smuggled agricultural products.

Ayon sa report, galing ng China ang mga kontrabando na kinumpiska ng mga otoridad pagkatapos ng isang 100 percent physical examination sa Mindanao Container Terminal Port sa Tagoloan, Misamis Oriental.

Dumating sa bansa noong Hulyo 23 ang anim na shipments, na naka-consigned sa Primex Export and Import Producer, at idineklarang naglalaman ng “Soft Tortilla Wrap.”

Sinabi ni CDO District Collector Elvira Cruz na ang “agricultural smuggling greatly affects locally-produced products in Mindanao” at iba pang lugar sa bansa.

At banta rin sa Philippine agriculture ang pagdating ng mga puslit na produkto.

Hindi kasi natin alam kung anu-anong peste ang dala-dala ng mga produktong ito.

Isa pa, baka malason pa ang mga kakain sa mga ito dahil hindi natin alam kung anong preservatives o kemikal ang ginamit para hindi kaagad mabulok ang mga produkto.

Sana sa panahon no Comm. Yogi ay tuluyan nang matigil ang ismagling ng agri products.

***

Palaki na ng palaki ang pondong hawak ng mga barangay sa buong bansa.

Pera ito na galing sa mga bulsa ng mga naghihirap na taumbayan, kasama na ang mga ordinaryong kababayan natin na nagbabayad ng buwis at iba pang bayarin.

Kaya dapat gastusin ng mga opisyal ng barangay ang perang ito para sa kapakanan ng lahat at hindi ng iilang tao lamang.

May mga report kasi na meron daw hokus-pokus sa paggastos ng pera ni Juan dela Cruz sa mga barangay.

Sana may mga matanggal at makulong na opisyal ng barangay para maging babala ito sa mga lingkod-bayan na ito.

Sibakin ang mga dapat sibakin kung gusto nating bumalik ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno.

Tama ba kami, Secretary Benhur Abalos ng Department of the Interior and Local Government?

***

Sa tingin ng marami, kasami na ang inyong lingkod, ay magiging maganda ang palakad ng mga bagong-talagang pinuno ng ibat-ibang opisina ng gobyerno.

Siyempre, magpapasiklab sila kay Pangulong Bongbong Marcos Jr.

Ayaw din nilang mapasama sa mga unang masasampolan ni BBM sa kanyang kampanya laban sa katiwalian sa ibat-ibang opisina ng gobyerno, nasyonal o lokal man.

Dito dapat tumulong ang taumbayan. Isumbong sa Malakanyang at ibang ahensiya ng gobyerno kung may nakikita kayong hindi kanais-nais na gawain ng mga lingkod-bayan.

Walang mangyayari sa atin kung hindi tayo makikipagtulungan kay Pangulong Marcos para tumino ang mga naliligaw ng landas sa mga opisina ng gobyerno.

Ang mahirap lang kasi, baka nakikinabang din tayo ng kaunti sa mga kalokohan ng iba nating mga “highly-enterprising” kababayan na nasa “corridors of political power.”

Huwag naman sana. Hindi ba, Vice President Sara Z. Duterte?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0917-8624484/enail: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE