Default Thumbnail

Kamatayan ni Rizal, kapanganakan ni Bonifacio

December 2, 2022 Allan L. Encarnacion 2884 views

Allan EncarnacionGINUNITA natin ang ika-159th kaarawan ni Gat Andres Bonifacio nito lang nakaraang Nobyembre 30.

Palaging pula ito sa ating kalendaryo, pista-opisyal. Kapag ganitong panahon, walang pasok, legal holiday. Ibig sabihin, hindi ito naisipan lang ng Malacanang na gawing holiday dahil permanente ito.

Sa Disyembre 30 naman, gugunitain natin ang pagkamatay ni Dr. Jose Rizal. Katulad ng Nobyembre 30 ni Bonifacio, ang petsang ito naman ni Rizal ay legal din na pista-opisyal. Iyong birthday ni Rizal, hindi naman legal holiday bagama’t ginugunita rin ito sa payak na paraan.

Parehong kinikilalang bayani ng bansa sina Rizal at Bonifacio. Kapwa may malaking kontribusyon sa ating kasaysayan subalit magkaiba ang pagtrato sa kanila ng bansa.

Si Rizal ay nakipaglaban sa kalayaan ng bansa sa pamamagitan ng panulat samantalang si Boni ay nakipaglaban sa pamamagitan ng tabak ng Katipunan.

Pero hindi nyo ba napapansin, kamatayan ang paggunita kay Rizal pero kapanganakan ang kay Bonifacio?

Si Rizal o Pepe ay binaril sa Bagumbayan na kilala natin ngayon bilang Luneta o Rizal Park.

Ang totoo, masakit kasing alalahanin ang kamatayan ni Bonifacio noong Mayo 10, 1897. Ang mga pagkakasulat kasi ng mga early Marites historian ay hindi masayang malaman kung paano siya namatay.

Si Bonifacio ay patraydor na pinatay ng mga sarili niyang kababayan.

Sinaksak sa lalamunan ng mga tauhan ng matindi niyang karibal sa pulitika na isa ring Pinoy na sinasabing pinagkakatiwalaan ng mga Amerikano.

Paano nga naman aalalahin ang araw ng kamatayan ng isang lumaban sa kalayaan ng mga Filipino na pinatay ng mga Pinoy at pinapatay ng kanyang kapwa Pinoy dahil din sa power struggle?

Si Rizal kasi, isang bukas na aklat naman na pinapatay ng mga Kastila at mga suldalong Espanyol ang mga bumaril sa kanya.

Kaya mapait na bahagi ng ating history dahil ang mismong mga ninuno natin ang sumira sa ating tunay pagka-Filipino.

Iyong mga nakikita nyong trayduran ng mga pulitiko ngayon, hindi yan bago. Kokonti na lang ang mga totoong tapat sa pagkakaibigan at sumpaan.

Kung mayroon mang totoong makabayan at mabuting Pilipino, baka hindi natin masasabing marami pa sila. Nawala na sa ating mga puso ang tunay na patriotismo na kayang isabuhay ang sinasabi sa ating Pambansang Awit na “duyan ka ng magiting” at ang “mamatay nang dahil sa iyo.”

Tinalo na tayo ng Vietnam, tinalo na tayo ng South Korea at ng maraming lahi sa aspeto ng pagiging makabayan.

Hindi ko alam kung makikita ko pa sa lifetime ko na maging totoong makabayan ang ating lahi. Dahil nga magkaibang sirkumstansiya ang pagkamatay nila Rizal at Bonifacio, hindi tuloy natin totoong magunita ang mas mahalagang bahagi ng kanilang kotribusyon sa ating bansa, lalo na parte ni Gat Andres na totoong hindi makasarili.

Happy bday Pareng Boni!

[email protected]