Dalipe

Kamara umayuda sa anti-pandemic campaign ng Duterte admin

October 18, 2023 Mar Rodriguez 211 views

Dalipe ikinalungkot paninira ni ex-PRRD

IKINALUNGKOT ng mga mambabatas ang mga naging pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte laban sa Kamara de Representantes na nagsalba sa administrasyon nito mula sa epekto ng Covid-19 pandemic.

Ito ang sinabi ni House Majority Leader at Zamboanga City 2nd District Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe sa isang panayam sa radyo matapos ang mga patutsada ni Duterte laban sa Kongreso upang maipagtanggol ang confidential fund ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte.

“Marami sa amin ngayon sa 19th Congress, nanilbihan din noong 18th Congress, noong pangulo pa si President Duterte. At alam niya ang ginawa namin, sinuportahan namin siya lahat todo-todo sa lahat ng mga kailangan niya sa legislative agenda niya at noong panahon ng COVID, sinuportahan siya ng Kongreso at nagtataka kami, bakit ngayon, iba na yung tingin niya sa aming mga kongresista,” ani Dalipe

Saad pa ni Dalipe, buong suporta ang ibinigay ng Kapulungan kay Duterte, kahit bago pa tumama ang Covid-19 pandemic.

“Even before nung panahon ng COVID, kung anong sabihin ng pangulo natin, we heeded his call. Hindi namin siya iniwan, tiniyak namin na may sapat na budget ang Duterte adminsitration noon, noong panahon ng COVID para meron siyang pondo para mamigay ng ayuda, ‘yung mga kailangan sa kalusugan noong panahon ng COVID, lahat sinuportahan namin siya,” dagdag niya.

“Kaya lang medyo nakakalungkot nga kami bakit ganito na ‘yung mga statement niya ngayon,” pagpapatuloy pa ng mambabatas.

Ipinasa ng Kamara ang unang dalawang Covid-19 response measures, ang House Bayanihan 1 (Bayanihan to Heal as One Act) at Bayanihan 2 (Bayanihan to Recover as One Act), na naisabatas, Marso at Hulyo 2020 para masuportahan ang mga hakbang ng administrasyong Duterte sa gitna ng pandemya.

Nang matanong ang mambabatas kung ano ang pinagmulan ng tirada ng dating presidente, sinabi ni Dalipe na posibleng sumama ang loob nito dahil sa pagbabagong ginawa ng Kamara sa pondo ng Office of the Vice President at Department of Education, na kapwa pinamumunuan ng kaniyang anak na si VP Duterte.

Humihingi ang OVP ng P500 milyong confidential funds at P150 milyon naman ang DepEd sa ilalim ng panukalang budget para sa 2024.

“Pero hindi lang naman Office of the Vice President ang may change, Department of Agriculture meron ring pagbabago, tinanggalan rin ng confidential intelligence fund. ‘Yung Department of Foreign Affairs, isa rin ‘yan, ‘yung Department of Information and Communications Technology,” paliwanag ni Dalipe.

Inilipat naman aniya ang naturang confidential funds sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at intelligence agencies para palakasin ang proteksyon ng bansa sa West Philippine Sea.

“Ang tanong nga diyan, masama po ba ‘yun? Hindi naman ‘di ba?” tanong ng House Majority leader.

Kamakailan, binisita ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, kasama si Dalipe at ilan pang mambabatas at opisyal ng militar ang Pag-asa Island in Palawan upang alamin ang kinakailangan ng AFP na nagbabantay sa Kalayaan Island.

“Kami mismo pumunta kami sa Pag-asa Island…gusto naming makita kung totoo ba na kailangan ng suporta ng ating mga men in uniform doon, ng ating mga mangingisda at ibang mga tao natin doon. So we saw for ourselves and came up with the decision na kailangan natin dagdagan ‘yung suporta sa AFP, sa intelligence community at iba pang mga ahensya na namamahala ng ating intelligence gathering, so doon po nilipat (‘yung confidential funds),” aniya.

Sinabi ni Dalipe na imbes na siraan ang kaniyang relasyon sa mga dating mga kasamahan sa Kamara, ang dapat nitong isulong ay pagkakaisa.

“Dapat yung mga statement niya, ‘yung magkaisa, unity, sana hindi mag-away away,” sabi pa ni Dalipe.

AUTHOR PROFILE