Ferdinand Martin G. Romualdez

Kamara tutulong sa giyera vs smuggling, hoarding

July 25, 2023 Ryan Ponce Pacpaco 263 views

TUTULONG ang Kamara de Representantes sa giyera ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa smuggling at hoarding ng bigas at iba pang produktong agrikultural.

Ito ang sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez isang araw matapos ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos.

“We share the President’s anger and frustration with smuggling, hoarding and price manipulation.

We will redouble our efforts to stop the smuggling and hoarding of rice, sugar, onions, garlic, and vegetables, which harms our farmers’ competitiveness and disrupts the agricultural value chain,” ani Speaker Romualdez.

Inulit din ng lider ng Kamara ang sinabi ng Pangulo na bilang na ang araw ng mga smuggler, hoarder at price manipulator.

Binanggit rin ni Speaker Romualdez ang pahayag ng Pangulo na umuunlad na ang sektor ng agrikultura.

“Masigla at patuloy na umuunlad ang sektor ng agrikultura. Napababa natin ang presyo ng mga pagkain mula sa agrikultura at napapataas naman ang kita ng mga magsasaka at mangingisda,” sabi ni Speaker Romualdez.

Nangako rin si Speaker Romualdez na babantayan nito ang presyo ng mga produkto.

“We will continually check on prices, especially of staples like rice, vegetables, meat, onions, and garlic, to protect our people from hoarding, price manipulation, unreasonable price increases and other practices in restraint of trade that hamper competition,” sabi ni Speaker Romualdez.

Nanawagan si Speaker Romualdez sa mga departamento at ahensya ng gobyerno na tulungan ang mga magsasaka upang makakuha ng mga bagong teknolohiya at kagamitan ang mga magsasaka.

“Needless to say, if there is sufficient supply, it would not be profitable for traders to resort to hoarding and similar anti-competitive activities,” giit ng lider ng Kamara.

Nauna rito, nagsagawa ng imbestigasyon ang House Committee on Agriculture and Food kaugnay ng biglaang pagtaas ng presyo ng sibuyas na umabot sa P600 kada kilo sa huling bahagi ng 2022.

Nakakuha ang komite ng mga ebidensya na mayroong kartel na nasa likod ng pagtaas ng presyo. Iniuugnay sa operasyon ng kartel ang iba’t ibang kompanya na mayroon umanong kinalaman sa negosyanteng si Lea Cruz.

Pinasinungalingan naman ni Cruz ang alegasyon. Sa kanyang SONA, ipinahayag ni Pangulong Marcos ang kanyang galit sa mga smuggler at hoarder.

“Hinahabol at inahahabla natin sila. Sadyang hindi maganda ang kanilang gawain at hindi rin ito tugma sa ating magandang layunin,” sabi ng Pangulo.

“Pandaraya ang kanilang ginagawa. Napapahamak, hindi lamang ang mga magsasaka, kundi tayo rin na mamimimili, kaya hindi natin papayagan ang ganitong kalakaran… Bilang na ang mga araw ng mga smuggler at hoarder na yan.”

AUTHOR PROFILE