Kamara

KAMARA MAY PA-CASH PA SA PH OLYMPIANS

August 14, 2024 People's Tonight 197 views

BINIGYAN ng cash incentive ng Kamara de Representantes ang Olympic double gold medalist na si Carlos Yulo gayundin ang iba pang kumatawan sa Pilipinas sa katatapos na 2024 Paris Olympics.

Gaya ng ipinangako ng Kamara, na pinamumunuan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, si Yulo ay binigyan ng P6 milyong cash incentives para sa kanyang dalawang gintong medalya at dagdag na P8.010 milyon na mula sa kontribusyon ng mga mambabatas sa pangunguna nina Speaker Romualdez, Rep. Yedda Romualdez, House committee on appropriations chairman Zaldy Co, Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales, House Majority Leader Mannix Dalipe, at Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez.

Bago tumulak patungong Paris, si Yulo ay binigyan din ng Kamara ng P500,000.

Sina Nesthy Petecio at Aira Villegas ay nakatanggap naman ng tig-P1 milyon para sa kanilang nasungkit na bronze medal.

Bukod dito, ang dalawa ay nakatanggap ng tig-P2.5 milyon mula sa kontribusyon ng mga miyembro ng Kamara. Sila ay nauna ng nakatanggap ng P500,000 bago nagtungo sa Paris Olympics.

Ang 19 na iba pang atleta na sumabak sa Olympics ay binigyan naman ng P500,000 na dagdag sa P500,000 na kanilang natanggap bago sumabak sa prestihiyosong palaro.

Bukod sa cash incentives, binigyan din ng Kamara ng kopya ng mga pinagtibay na resolusyon ang mga atleta at coaching staff.

“Kami po dito sa House of the Representatives, House of the People are honored by your victories and by your achievements. We want to thank every one of you. Of course, the coaches and the family that all supported you, for you have made these all possible,” ani Speaker Romualdez.

“We want to take this brief but most memorable opportunity to recognize your achievements in the sports community. You are now what they call the shining beacon. Kayo po ang nagiging ehemplo sa taong-bayan. Sa lahat ng kakayanan ng Pilipinas, ito po ang resulta na kapag nagsama-sama talaga tayo, we can achieve everything. Iyon po ang mensahe ng ating mahal na Presidente kagabi, kaya po kami dito sa Kongreso, we join him in celebrating your victory, recognizing your sacrifices, and recognizing your hard work,” dagdag pa nito.

Si Yulo ay ginawaran din ng Congressional Medal of Excellence (mula sa pinagtibay na Resolution No. 233), ang pinakamataas na pagkilala na ibinibigay ng Kamara, samantalang sina Petecio at Villegas ay ginawaran naman ng Congressional Medal of Distinction (pinagtibay bilang Resolution Nos. 239 at 240).

Pinagtibay din ng Kamara ang Resolution No. 241 para kilalanin ang lahat ng atleta, coaching team, at buong delegasyon ng Pilipinas sa katatapos na Olympics.

Ang delegasyon ng mga manlalaro ng bansa na sumabak sa Paris Olympics ay binubuo nina Yulo, Aleah Finnegan, Emma Malabuyo at Levi Ruivivar para sa artistic gymnastics; Villegas, Petecio, Hergie Bacyadan, Carlo Paalam at Eumir Marcial para sa boxing; Ernest John Obiena, John Cabang-Tolentino at Lauren Hoffman para sa athletics; Vanessa Sarno, John Febuar Ceniza at Elreen Ann Ando para sa weightlifting; Joanie Delgaco para sa rowing; Samantha Catantan para sa fencing; Kayla Sanchez at Jarod Hatch para sa swimming; Bianca Pagdanganan at Dottie Ardina para sa golf; at Kiyomi Watanabe para sa judo.

Binigyan ng heroes welcome ang mga atleta at iba pang miyembro ng delegasyon sa kanilang pagbisita sa Kamara nitong Miyerkules.

AUTHOR PROFILE